Santa’s Garden, tampok sa Christmas Village sa Baguio

LUNGSOD NG BAGUIO – Muling papasayahin ng Baguio Country Club ang mga residente at turista sa kanilang taunang Christmas Village, na ang tampok ngayong taon ay Santa’s Garden, na punong-puno ng iba’t ibang klase ng bulaklak at halaman ang kapaligiran na kinonsepto mula sa bansang Dubai.
“We wanted to showcase yong flowers para maiba naman kasi sa nagdaang pitong taon ay puro lights tayo, kaya ngayon ay flowers and plants garden naman, pero andyan pa rin ang mga recycled materials na complimented pa rin with lights,” pahayag ni BCC Communication Officer Andrew Pinero.
May kabuuang 10,000 pieces na artificial flowers and plants, na gaya ng sakura tree sunflower, tulip, peony, orchids, stargazer, roses, carnation, Malaysian mums at 5,000 pieces na mga original o buhay na bulaklak, ang pinaghalo-halong dinesenyo sa buong Christmas Village.
“Mahirap kasing i-maintain kung puro original flowers ang ilalagay natin considering ang weather natin ay unpredictable at hindi kasi pwedeng ilagay malapit sa fogging machine ang mga original flowers baka malanta agad,” ayon kay Pinero.
Ayon pa kay Pinero, hindi mawawala ang kinasasabikan ng mga bata, ang artificial snow na ngayon dinagdagan pa upang lalong mag-enjoy ang mga bisita.
“We make sure na maeenjoy din ng mga bisita ang mga food concessionaire na inilagay namin sa loob ng village are reputable, na gaya ng Chowking na may outlet dito. Naglagay din ng mas maraming chair para sa ating mga senior citizen at PWDs.”
Ayon kay Pinero, ang konsepto ng tema ngayong kapaskuhan ay mula kay BCC General Manager Anthony de Leon, na nanggaling sa flower garden sa Dubai at nagsabing magandang atraksyon ito para sa siyudad ng Baguio.
“Medyo may kamahalan ang Christmas village natin ngayon, pero ang mahalaga ay maging masaya at kung hindi man kasing bongga ng garden sa Dubai ay parang narating na nila ito sa pamamagitan ng ating village,” wika pa ni Pinero.
Aniya, bilang Creative City ang lungsod ay mga sikat na local artist ang nag-disenyo sa ilang bahagi ng Christmas village, upang makita ang kanilang mga artistic talent at mga local artist na magpe-perform sa grand opening sa Nobyembre 9.
Ang Christmas Village, na magtatapos sa Enero 6, 2019, ay bukas sa publiko mula 2pm hanggang ika-10 ng gabi mula Lunes hanggang Huwebes at magtatagal nang 11pm naman mula Biyernes hanggang Linggo. Ang entrance fee ay P120 adults, P50 children,P80 senior citizen, samantalang libre naman sa persons with disabilities (PWD); batang 3 taon gulang pababa at sa bawat grupo ng 10 ay libre ang isa sa entrance. ZALDY COMANDA / ABN

Amianan Balita Ngayon