Habang binubuo ang espasyong ito…sing-init ng nagngangalit na bulkan ang mga kontrobersiya at parang nalalapit na itong pumutok at magsabog ng lagim sa bansa. Ang SENTRO ng mga nanggagalaiting pasabog ay mula sa kampo ni Bise Presidente Sara Duterte! Sisirin natin ito: Bago sumulpot ang tensiyon…may mga nasisilip ng kontrobersiya nang magbitiw bilang Dep-ed secretary ang bise-presidente. Naging malalim na palaisipan ito. Katumbas ito ng pagkalas sa gabinete ng kasalukuyang administrasyon.
Namuo na ang kaba sa hanay ng mga nagmamahal at naninindigan sa diwa ng demokrasya. Sabagay, ano nga ba ang saysay ng demokratikong pamumuhay kung tayo ay nakakulong sa bakud ng mga kontrobersiya? Walang pinag-iba sa namuong sama ng panahon at maghasik pa ng kalamidad sa hinaharap. Ang bagyong “Kristine” na nasa Luzon ay namumurong aapekto sa maraming buhay at ari-arian. Isang pangitain na bihirang mangyari na dapat maagapan
upang mailayo ang bansa sa krisis at kalamidad.
Ayon sa tala ng mga pangyayari….nagkatensiyon nang may pagkilos ang mga mambabatas sa mababang kapulungan na imbestigahan ang isyu ng Intelligence Fund ni VP Sara. Kung sa una ay may mga pasaring ang bise presidente na ginamit lang daw siya noong eleksiyon para makaupo bilang presidente si Pangulong Bongbong Marcos….sa mga sunod-sunod na upak ni Sara laban kay PBBM ay prontalan nang nagpapakita na naghiwalay na ng landas sina Sara at Bongbong.
Sabi ng ilang analysts…marahil ay malaki ang hinala ni Sara na si PBBM (Pres. Bongbong) ang nasa likod ng imbestigasyon ng House Quad Committee kaugnay sa Interlligence Fund na NAUBOS diumano sa loob lamang ng labing-isang araw. Kamakailan, nagpatawag ng isang press-con si VP Sara at dito todo-bira na ang ginawa laban kay PBBM. Mantakin mong sabihin na “ipahuhukay daw niya ang bangkay ng ama ni PBBM na si dating Presidente Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani at “itatapon” niya sa West Philippine Sea.
Maraming loyalista ng mga Marcos ang umalma sa sinabi ni Sara. Pati si Senate President Chiz Escudero ay nagsabing hindi dapat nagsalita ng ganun si Sara. Sumunod din ang Simbahang Katoliko na pumuna at nagsabing dapat igalang ang nakahimlay na. Lalo pang lumakas ang bagyong si Kristine at nanalasa na sa Kabicolan sa
pamamagitan ng grabeng pagtaas ng tubig, mga pagguho at napakaraming residente na ang inilikas at maraming
nakatira na sa toktok ng kanilang mga bahay. Ang tindi nito, ayon sa Pagasa (habang sinusulat ang espasyong ito)
ay hindi pa naglala-landfall ang bagyo na ang tumbok ay sa parting Isabela o Quezon.
Marami ang nahagip sa biglaang pagtaas ng tubig kung kaya’t ang ilang residente ay hindi na nakapagtabi ng
madadalang gamit at makakain. Lagpas unang palapag na ang karamihang bahay sa mga binahang parte ng Sorsogon, Camarines at karatig lugal. Iisa ang sigaw ng mga Bicolano: tulungan natin sila! Sana sa ganitong
situwasyon…isantabi muna natin ang isyu ng pulitika. Kaligtasan ang kailangan ng ating mga kababayan sa ganitong panahon kaya dapat lang na isantabi muna natin ang hidwaan at di pagkakaunawaan.
Kumilos na rin ang Malakanyang para matulungan ang mga apektadong lugal lalo na ang mga residente ng Luzon
kung saan ito ang tumbok na daanan ng bagyo bago makaalis ng bansa. Sa ulat ng Pagasa. . inaasahang maglalandfall ang bagyo ngayong gabi (Oct. 23) o bukas ng umaga (Oct.24). Dalangin natin na mailayo tayo sa anumang sakuna sa panahong ito . Adios mi amor, ciao, mabalos
October 26, 2024
October 26, 2024
February 15, 2025
February 15, 2025
February 15, 2025
February 15, 2025
February 10, 2025
February 10, 2025