Sayang ang Maigsing Panunungkulan ng Isang Mahusay na Hepe

Opinion

Sayang ang maigsing panunungkulan ng isang mahusay na hepe Halo ang aking nararamdaman sa pagkahirang ni Pangulong Rodrigo R. Duterte kay Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) kapalit ng nagretirong Gen. Archie Gamboa.

Una ay natutuwa ako dahil isang kababayan ang napili na mamuno sa mahigit 200,000 puwersa ng pulis sa buong bansa. Isang Cordilleran si Lt. Gen. Cascolan na ipinanganak at nag-aral dito sa Lungsod ng Baguio. Tunay nga na maipagmamalaki natin ito dahil siya ang kauna-unahang Cordilleran na maging hepe ng Pambansang Kapulisan mula ng maitatag ito noong 1991.

Pangalawang nararamdaman ko ay ang pagkadismaya dahil sa sobrang igsi ng kaniyang panunungkulan na aabot lamang sa dalawang buwan bago ang mandatory retirement age na 56 sa Nobyembre.

Nanghihinayang ako dahil konting panahon lamang ang kaniyang itatagal upang pamunuan ang pambansang kapulisan, dahil para sa isang tapat, matapang, mahusay, matalino at malinis na opisyal ay napakaigsi ang dalawang buwan na panunungkulan.

Sa ilalim ng Republic Act No. 6975, ang termino sa opisina ng PNP Chief ay hindi lalagpas sa apat na taon subalit may eksepsiyon na maaaring gawin ang Pangulo na palawigin ang termino ng Chief PNP “sa mga oras ng digmaan o iba pang national emergency na idedeklara ng Kongreso.

Kung magkagayun ay maaaring si Gen. Cascolan na ang may pinaka-maigsing panunungkulan bilang hepe ng Pambansang Kapulisan at ang pinakamahabang termino naman ay kay Gen. Alan L.M. Purisima na naupo bilang hepe mula Disyembre 17, 2012 hanggang Pebrero 5, 2015.

Maliban sa pangarap ng PNP na maging isang lubhang may-kakayahan, epektibo at may kredibilidad na serbisyong pulis na nagtratrabaho sa pakikipagtulungan sa isang tumutugon na komunidad tungo sa pagkamit ng isang mas ligtas na lugar para mamuhay, magtrabaho at magnegosyo kung saan kailangan ang isang mahusay na hepe ay higit na kailangan ang isang tulad ni Gen. Cascolan sa panahong ng pandemya.

Maigsi ang dalawang buwan para sa isang mahusay na hepe subalit sa diskresyon ng Pangulo ay maaari naming mapalawig ito kung kinakakailangan. Marahil ay mas mainam din na tingnan ang haba ng panahon ng nalalabing termino ng mga susunod pang uupong hepe upang sa gayon ay mas mabuti at mas mahusay, epektibo na maipatupad ang mga ninanais na pagbabago sa hanay ng kapulisan.