School registration sa Ilocos Norte, magbubukas sa Enero 26

LAOAG CITY, ILOCOS NORTE – Hinihikayat ng Department of Education (DepEd) sa probinsiya ang mga magulang at guardians ng lahat ng limang-taong-gulang na mga bata na ipatala sila sa kindergarten nang maaga.
Para sa paghahanda sa pagbubukas ng school year 2019-2020 ay inihayag ni senior education program specialist Erick Medrano noong Miyerkoles (Enero 16) na ang pagpapatala ay nakatakda sa Enero 26 hanggang Pebrero 22.
“The early registration ensures that all five-year-olds are enrolled in kindergarten, and to locate, identify, and enroll out-of-school children (OSC) and youth (OSYs) who are in remote areas or difficult circumstances,” ani Medrano.
Ayon sa kaniya, ang pagpapatala ay sakop ang lahat ng public elementary at secondary schools sa Ilocos Norte mula kindergarten hanggang Grade 12.
Binigyan-pansin ni Medrano na ang Schools Division ng Ilocos Norte ay patuloy na magtataguyod ng isang “all-inclusive participation of learners” kaya lumalapit sila sa lahat ng concerned education stakeholders na tumulong sa desiminasyon ng maagang pagpapatala.
“We are doing this also to address various issues and concerns that may be encountered again during the opening of classes,” aniya.
Hinihimok din ang mga kawani ng paaralan na magdaos ng ilang aktibidad gaya ng bahay-bahay na kampanya, at pagpupulong sa lokal at barangay officials at civic organizations na tumulong sa paghahanap ng mga batang dapat na mag-aral.
Ang mga special education schools na nasa iba’t ibang lugar ng probinsiya ay nagpahayag din na bukas sila sa mga bagong mag-aaral na may special needs.
L.ADRIANO, PNA/PMCJR/ABN

Amianan Balita Ngayon