Semana Santa at Pulitika!

Nakaraos na tayo sa Semana Santa. Raratsada muli ang alingawngaw de pulitika. Rumatsada rin ang tradisyonal na ngilin sa tuwing Mahal na Araw. At ngayong tapos na, riripeke na naman ang mga patutsada ng mga tumatakbo sa pulitika. Kung tahimik sa nagdaang mga araw, baka larga na naman ang mga bunganga de kampanya ng mga pulitiko ngayon.

Kung sa Mahal na Araw, may Siete Palabras…sa pulitika, tone-toneldang “palabras de totoo at balasubas” naman. Maganda yatang paghambingin ang dalawang ito. Mga KA – Amianan, tara’t paghambingin. Unang buka pa lang ng Siete Palabras ng ating Poon
habang nakapako sa Krus….matindi na ang dating: “Mahalin mo ang iyong kapwa”.

Yan ang laging bigkas noon ni Poong Hesus lalo na sa kanyang mga desipulos noong di pa siya ipinagkanulo at hinudas ng ilan niyang kabrigada hanggang sa ipinako sa krus ng kalbaryo. Sa pulitika naman…sa halip na magmahalan ang mga magkakalabang partidopulitikal…. nag-uupakan, nagsisiraan at kulang na lamang na magsuntukan at magpatayan. Kung sa Siete Palabras ay nabigkas ni Poong Hesus ang katagang “I thirst” na ang katuturan ay pagkauhaw sa ating pagbabago….kabaligtaran naman sa pulitika – “pagkauhaw” sa posisyon upang manilbihan o kaya’y kumita.

Hind po sa nilalahat. “Babae, narito ang iyong anak….Anak, narito ang iyong ina”. Ang madramang tagpo ng Poong Hesus habang naghihirap na siya sa krus. Kanyang binigyang halaga ang pagmamahalan sa pamilya….ang pagkakabigkisbigkis at pagmamalasakitan. Pero sa pultika…walang anak, walang ina. Sila-sila pa nga ay magkakalaban.

Sa iisang bubong, kanya-kanyang plataporma: may dis-porma, meron ding distrongka. Ang sarap sigurong tingnan ang isang pamilyang nagkakaisa sa kanilang susuportahang kandidato. Pero hindi daw nangyayari kasi depende sa pananaw ng bawa’t myembro at kung “magkano ang lagay”.

Hindi rin po nilalahat. Kaya tuloy..maraming pamilya ang watakwatak dahil sa kapal ng bigay, kapal ng mukha at kapal ng bituka…hindi sa nilalahat.

Sa Mahal na Araw, bawal daw ang mag-ingay (kaya nga walang kampanya noong Huebes at Biyernes santo. Sa pulitika, maraming maiingay – may laman o wala. May mga pangako kasing totoo, meron ding tiyak mapapako lang krus ng kalbaryo ni Juan dela Cruz.

Sa huling yugto ng hininga ng Anak ng Diyos sa krus….nabigkas ang katagang – “Tapos na”…”IT IS FINISHED”. Tapos na ang PANUBOK ng Ama sa kanyang ANAk upang MATUBOS ang kasalanan sa sansinuklob. Sa pulitika naman…malaking kabaliktaran. Kapag tapos na ang eleksiyon, diyan na magsisimula ang pagtubos ng mga nagastos.

Natural, ang bawi ay mas malala dahil kaliwa’t-kanan ang kabig. Kung baga sa sasakyan, ang kambiyo ay atras-abante. Ang masakit, sa halip na tapos na ang ating kalbaryo kapag nakaupo ang ilan sa kanila….”tapos na” ang maliligayang araw dahil susunod na ang ating kalbaryo
sa krus na ating papasanin habang panahong nariyan sila.

Di ba, nasa banal na aklat na si Hesus ay muling nabuhay pagkatapos ng tatlong araw upang babalik sa kaharian ng Poong Ama. Sa pulitika, mas grabe, mg aka-Amianan.

Matagal ng patay, pero nakakaboto pa sa tuwing eleksiyon. Buti naman at nakasilip na ang Comelec ng paraan. Pero maparaan ang Pinoy. Sabi nga ng ilang pilosopo…kung ang isang desipulo ay tatlong beses niyang ipinagkaila si Kristo….mas grabe ang tao.

Kitang-kita ka na sa CCTV na ikaw ang kriminal, magkakaila ka pa. Eh, di lalo ngayong panahon ng kampanya? Kung ang telang-saplot ni Poong Hesus nang malagutan ng hininga ay ginawa pang taya sa sugal ng mga demonyong guwardiya, eh, di lalo sa pulitika…..huhubaran ka talaga ng tudo at kakaliskisan basta’t masira ka lang.

Sana ang aral na ating napupulot sa tuwing Mahal na Araw ay manatili sa ating puso at katauhan araw-araw. Sana, ang aral naman sa tuwing eleksiyon ay laging tandaan bilang gabay natin para sa hinaharap. Magmahalan tayo at hindi “nagmahalan” sa presyo. Mawalang-galang po sa lahat ng sekta na lihis ang kanilang paniniwala sa mga isyung natalakay. Ang mahalaga…iisa ang ating Panginoon sa ano mang panahon. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon