Sementeryo ng Baguio masikip na – CEPMO

LUNGSOD NG BAGUIO – Inamin ng City Environment and Parks Management Office (CEPMO) na ang 9 na ektarya na pampublikong sementeryo ng lungsod sa Naguilian road ay masikip na at patuloy ang pamahalaang lungsod na humanap ng posibleng interventions upang maipagpatuloy ang operasyon na gaya ng isang lugar na paglilibingan ng mga patay.

Sinabi ni Engr. Nico Prado ng CEPMO na maliban sa paghikayat sa mga kaanak ng mga namatay na gamitin ang kasalukuyang condo-tombs ay ipinag-uutos ng pamahalaang lungsod na lumagda sila ng waivers na ang renta sa lote kung saan nakalibing ang kanilang mahal sa buhay ay sa loob lamang ng limang taon.

Matapos ang limang taon ay ipinaliwanag ni Prado na may pagpipilian ang mga kaanak ng mga namatay na i-renew ang kasunduan, o kunin ang mga buto ng kanilang mga mahal sa buhay at ilalagay ito sa bone vault, na isa sa mga akmang hakbang upang maibsan ang lugar para magamit ng iba na libingan.

Sinabi niya na isa sa mga programa ng lungsod ay magkaroon ng detalyadong survey sa aktuwal na bilang ng mga patay na nakalibing sa public cemetery at magamit ito sa isang geographic information system upang mapahusay ang database ng lungsod sa totoong bilang ng mga patay na taong nakalibing sa pinakamalaking pampublikong sementeryo sa lungsod.

Isa pa ay ginagawa rin ng lungsod ang development ng access road papunta sa panukalang expansion site ng sementeryo sa isang 4,000 square meters na lupa na binili ng lungsod mahigit dalawang dekada na ang nakalipas upang hadlangan ang patuloy na pagsikip sa kasalukuyang sementeryo.

Base sa datos na nakuha ng CEPMO mula sa mga mahahalagang opisina ng pamahalaang lungsod ay may higit kumulang 11,000 patay ang nakalibing sa pampublikong sementeryo mula noong 2000 na may average na 4 na patay ang inililibing bawat buwan at patuloy pa ang pagbilang.

Binigyan-diin ni Prado na patuloy na naghahanap ang lungsod ng doable interventions para sa implementasyon sa pampublikong sementeryo upang massiguro ang patuloy na operasyon nito sa gitna ng pagsisikip habang may mga hakbang na ginagawa upang umpisahan ang expansion site na kalapit ng kasalukuyang sementeryo at para gamitin ng tao ang condo-tombs o ang cremation ng mga bangkay ng kanilang namayapa ng mahal sa buhay.

Inihayag ni Prado na may mahigit 2,000 square meters sa kasalukuyang pampublikong sementeryo na maaari pang paglaanan na libingan habang 25 porsiyento lamang ng kasalukuyang condo-tombs ang nagamit, may limitadong espasyo pa sa pampublikong sementeryo ng lungsod.

Tumitingin ang nakalipas na administrasyon ng iba pang angkop na mga lugar sa labas ng kasalukuyang sementeryo na magsisilbing bagong lugar ng iba pang pampublikong sementeryo ngunit ito ay hindi nagkatotoo dahil sa limitadong lupa na libre sa hurisdiksiyon ng lungsod, kaya kailangan humanap ng ibang lugar sa labas ng Baguio ngunit malalapit na lugar sa Beneguet.

DAS-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon