Sen. Marcos – huwag taasan ang presyo ng mga electronic gadgets sa pasukan

LAOAG CITY, ILOCOS NORTE — Nanawagan si Senator Imee Marcos sa pamahalaan na bantayan ang presyo ng laptop, tablet, pocket wifi, cell phone, personal computer at iba pang electronic device ngayon na naghahanda na sa online learning ang mga paaralan sa pagbubukas nito sa darating na Agosto.

Batay sa direktiba ng Department of Education (DepEd), ang pagbubukas ng klase ay nakatakda sa Agosto 24, 2020 at magtatapos sa Abril 30, 2021. Ang enrolment ay magsisimula sa darating na Lunes, Hunyo1 hanggang Hunyo 30.

Ayon kay Marcos, maraming mag-aaral ang posibleng maiwan o tuluyang hindi makapasok sa sinasabing virtual o online learning na siyang ipatutupad ngayon pasukan dahil na rin sa kakapusan ng budget para sa nasabing online learning.

“Kung sobra-sobra naman sa mahal ang mga gadget na yan, eh papaano pa makakayanang bumili ng mga magulang? Kailangang ibaba ang presyo ng mga mobile at electronic device o gadget na gagamtin ng mga mag-aaral sa darating na pasukan.

Kailangang tulungan natin ang mga estudyante,” pahayag ni Marcos.

Nagbabala rin si Marcos sa mga tiwaling negosyante na huwag samantalahin ang mataas na demand ng mobile at electronic device tulad ng laptop, tablet, pocket wifi, cell phone, personal computer lalu na ngayon panahon ng COVID-19 dahil sa may kaukulang parusang nakatakda sa sobrang pagpapatong ng presyo sa kanilang paninda. “Dapat bantayan ng gobyerno ang hindi makatuwirang pagtaas ng presyo ng mga mobile at electronic device.

At sana naman, kung maaaring mapababa ang presyo dahil mga estudyante naman ang makikinabang nito ngayong pasukan,” dagdag pa ni Marcos.

Nanawagan din si Marcos sa mga negosyante na mag-alok ng mga pautang sa mga estudyanteng kapos sa kanilang budget at hikayating bumili ng mga second hand mobile at electronic device.

“Hindi dapat samatalahin ng mga salbaheng negosyante ang mataas na demand ng mobile at electronic device at gadget.

Dapat makulong sila kung mahuhuling nagsasamantala sa kanilang mga estudyanteng customers,” pagtatapos ni Marcos.

Amianan Balita Ngayon