SHABU BUMULAGA NA NAMAN SA NORTE

Nabulaga ang bansa nang masakote ang “pinakamalaking shabu laboratory sa Asya” sa Upper Bimmotobot, La Union noong Hulyo 2008. Halos P27M halaga ng raw chemicals at kagamitan na kaya sanang makagawa ng ilang
daang milyong shabu ang nasamsam. Ilang pulis ang nakasuhan ngunit ang mga protektor at lalo na mga ulo ng operasyon ng Upper Bimmotobot shabu lab ay naglahong bula at kinalimutan na ng kasaysayan.

Makaraan ng 14 taon, bumulaga naman ang pagkasakote ng 40 kilong shabu na nakaempakeng “Chinese Tea” na nagkakahalaga ng P272M sa isang apartment sa Brgy. Poro, San Fernando City, LU noong hapon ng Agosto 12, 2022. Resulta ito sa naunang pagkasakote noong araw rin na yaon yun ni Ke Wujia (alias James Dagale Galopo), isang Chinese national, at tatlong Pinoy na may kinukubling 360 kilong shabu na nagkakahalang P2.448B sa kalapit na Pozzorubio, Pangasinan.

Nagpapatunay lamang ba nito na sa kabila ng mga operasyon ng otoridad laban sa droga sa Region 1 na pinapangunahan ng PDEA ay makakalusot pa rin ang sindikato? O sadyang protektado ang sindikato ng may mga katungkulan bagay na nagbulag-bulagan na lamang upang makalusot ang droga? Sa ikakasang imbestigasyon ng pambansang pamahalaan, kung magkakaroon ma’y, kailangang matunton ang mga ulo ng sindikato ng droga sa Region 1.

Dapat pangalanan, litisin at panagutin silang lahat. Higit sa lahat ay ugatin paano nakakalusot ang droga sa lugar.
Hindi na naman sana itong matulad sa pangyayari sa Upper Bimmotobot shabu lab na pagkatapos ng ilang taon
ay bubulaga muli ang limpaklimpak na halagang shabu, mapaparusahan ang iilan ngunit ang ulo ng sindikato,
mga kasabwat at protector nito’y mababaon na lamang sa limot na para bang paikot-ikot na lamang ang inog na
kasaysayan sa droga.

Amianan Balita Ngayon