SIBUYAS…. SUMISINGIT PA SA GITNA NG LINDOL SA TURKEY?

Anak ng tipaklong naman nagkukumahog na nga ang mga rescuers na magligtas ng buhay sa mga nilindol sa Turkey at Syriay, sumisingit pa rin ang isyu ng sibuyas sa ating bansa. Alert level din ang bulkang Mayon, ayon sa PHILVOCS…nakapurma pa si Sibuyas? Sige na nga, pards…pagbigyan na natin si Sibuyas bago tayo madelubyo: May SRP ang presyo ng sibuyas dahil dumating na ang ating inangkat. Di daw dapat tataas sa P150.00 kada kilo ang imported na sibuyas, ayon sa inumpisahang SRP. Mas mataas ang presyo ng lokal nating sibuyas. Maraming magsisibuyas ang umangal lalo
pa’t nakikiusap ang gobyerno na sana ipantay daw nila ang presyo nila sa presyo ng imported.

Palagay natin…di pa dito magtatapos ang isyu ni sibuyas. Sabagay, umusad na sa kongreso ang
imbestigasyon hinggil sa kontrobersiyal na sibuyas. Tinutumbok ngayon kung sinu-sino ang mga nasa likud ng hoarding o manipulasayon kung bakit tumaas ang presyo ng sibuyas. May ipinutok
silang banat na inaalam na nila kung sino itong “Mrs. Sibuyas” at “Queen of Onions”. Sige lang. Sana may maparusahan dahil kung wala…baka mauwi tayo sa “Bulok na sibuyas”. Balik-lindol tayo dahil habang sinusulat ang espasyong ito, mahigit sa labing-dalawang libo katao na ang naitatalang namatay sa 7.8 magnitude na lindol sa Turkey at Syria.

Dagsa ang maraming bansa sa kanilang ipinadalang tulong para sa rescue, humanitarian aid at mga
makinarya para mapadali ang paghuhukay. Katunayan, mag-iisang linggo na ang paghuhukay na at umaasa silang may mga maililigtas pa ring buhay mula sa salansan ng mga bumagsak na mga gusali. Ayon sa mga ulat ng mga analyst sa mga nilindol na lugal….ganito rin daw ang naganap noong taong 1999 kung saan libo-libo rin ang mga nasawi. Ang masaklap nga, di pa rin nagwawakas ang mga hidwaan sa Syria lalo pa’t hindi pa nasusupil ang puwersa ng mga rebeldeng Kurdish at iba pang elemento.

Tuloy may mga kuro-kuro na hindi kaya gumagawa na ang ating Poon ng paraan upang matigil na ang mga di pagkakaunawaan sa buong dagidig? Hindi kaya ito ay tapik na para magkaisa at itigil na ang iringan? Kung totoo ang hakahaka…sana isama na ng Panginoon na pahupain ang tensiyon sa West Phil. Sea dahil sa agawan ng teritoryo. Pero sana sa hindi madugong paraan. Ala-ala pa natin ang naganap sa ating rehiyon noong 1990. Kung papano tayo natrahedya at kung papano tayo
bumangon. Noon natin nasaksihan ang pagkakaisa at lakas ng determinasyong makabangon sa likud ng mga sinira at labi ng lindol na yon.

Tiyak na ganito rin ang mangyayari sa mga biktima ng lindol sa Turkey at Syria. Dito rin natin nakita ang pagkakaisa ng maraming nasyon sa buong mundo . Isa ang Pilipinas sa nagpadala ng misyong tumulong at magsagip ng buhay. Kahit pa ang Russia at Ukraine ay nagpadala rin ng kanilang puwersa upang tumulong. Sa mga eksenang ito, dama natin ang katotohanang ano mang
lahi tayo at ano man ang ating estado sa mundo , lalang pa rin tayo ng iisang Diyos na makapangyarihan. Dinig natin ang mga dalangin at pagsusumamo ng mga kaanak ng mga nasawi sa lindol na sana ay kaawaan sila’t lingapin ng Panginoon.

Ang dalangin din natin sa puntong ito: sana pagkatapos ng trahedyang naganap ay manunumbalik ang diwa ng pagmamahalan, pagmamalasakitan at mabura na sa mapa ng mundo ang mga hidwaan. Sana! Sa tala ng mga malalaking trahedya sa mundo, hindi nawawala ang sisi sa kapabayaan at pagmamalabis ng mga tao. Walang baha kung may sapat na lugal na patutunguhan ng tubig. Ang sisi: kinalbo na ang mga kabundukan. Kumitid ang mga lagusan dahil sa mga pagbabara na kagagawan din ng tao. Buti pa noong sina-unang panahon na simple lang ang pamumuhay.

Kuntento na ang tao . Pero sa ngayon, malabis ang pagnanasa ng mga tao sukdulang masira
ang buhay at kalikasan. Tao ang sumisira sa alay ng Poon na dapat pagyamanin at huwag paghari-harian. Sana, matimo sa ating kaisipan ang aral na iniiwan ng bawa’t trahedya sa daigdig. Kung kailan tayo matuto…sana hindi pa huli ang lahat. Dito naman sa Baguio City, dagsa ang mga bisita dahil sa kasalukuyang pagdiriwang ng Panagbenga 2023. Inaabangan ang Street Dancing Parade sa
Feb. 25 at Float Parade sa Feb. 26. Marami ang nananabik dahil dalawang taon ding natigil dahil
sa pandemya. Sana tangkilikin natin ito hanggang sa Marso 5, 2023.

Sa ngalan ng daplis, tayo po ay nagbibigay-pugay sa ika75 taong legacy nina Nanay at Tatay ng Bautista Clan sa kanilang di matawarang serbisyo’t pagmamahal sa ating lungsod lalo na sa edukasyon. Mabuhay University of Baguio kung saan naroon ang Z-Radio na bahay din ng Tambalang Edong Carta at Jimmy Luzano. Adios mi amor, ciao, mabalos.

ONLINE CHILD SAFETY

RESILIENCY FOR EVERYONE

Amianan Balita Ngayon