Sino ang tunay na protektor ng isang mamamahayag

Laging may nakaambang panganib sa buhay ng isang mamamahayag, pinagbabantaan  kalimitan dahil sa uri ng trabaho, sa pagtupad ng isang adbokasya at pagsasagawa ng krusada habang ang pangunahing rason ng media killing ay dahil sa maduming pulitika, korapsyon at pagiging bulnerable ng sektor ng media. Sa pangkalahatan ang pagpatay sa mga mamahayag ay resulta ng isang walang simpatiyang geo-political na kapaligiran sa bansa.
Ilang journalista na ba ng napapatay? Sa ngayon  ay 176 na ang napapatay mula 1986 na ang pinakahuli ay ang pagtambang at pamamaril kay Joey Llana sa  Daraga, Albay. Maituturing na pinakabrutal na pagpatay sa kasaysayan ng Pilipinas at ng buong mundo  ang “Maguindanao o Ampatuan Massacre” kung saan 58 katao ang pinatay, 34 dito ay media practitioners na inilibing sa isang mass grave. Pulitika ang rason sa masaker. Inilista pa ng karumal-dumal na pangyayaring ito ang Pilipinas bilang isa sa pinaka-mapanganib na lugar sa mundo para sa mga mamamahayag.
Mahigit tatlong dekada na ang lumipas ng maibalik diumano ang demokrasya at kalayaan sa pamamahayag, subalit patuloy pa rin ang banta sa mga journalista. Sa datos ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) ay naitala ang mga sumusunod na pagpatay; sa panahon ni Cory Aquino ay 21 ang napatay, kay Fidel V. Ramos ay 11, sa maikling rehimen ni Joseph Estrada ay 6, ang pinakamatindi ay sa siyam na taong rehimen ni Gloria Macapagal Arroyo na 83 ang naitalang pinatay (kabilang ang Ampatuan Massacre), kay Benigno S. Aquino III ay nasa 30 ang biktima at sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nasa lima na ang napapaslang. Ayon sa CMFR ay dalawang kaso pa lamang ng media killings ang nabigyan ng katarungan sa kasaysayan.
Upang matuldukan na raw at malaman ang ugat ng walang-saysay at ilegal na pagpatay sa mga mamamahayag at mabigyan ng ibayong proteksiyon  ay  nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Administrative Order No.1 na lumikha sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS). Ito ay sa kabila ng maanghang at mapait na relasyon ng media at ng Pangulo, lalo na sa mga independent media. Maliban sa PTFoMS ay nandiyan pa ang “Handbook on Personal Security Measures for Media Practioners”, isang manual na inilabas ng PNP noong 2010 para gabayan ang mga miyembro ng media sa mga basics ng seguridad sa kanilang sarili at mga pamilya, madetermina ang mga posibleng banta at mapahusay ang komunikasyon sa mga kinauukulang awtoridad partikular ang PNP.
Mula ng lagdaan ni Pangulong Duterte ang AO No.1 noong Oktubre 2016 ay  limang kaso ng media killings ang naresolba na at sa kabuuan ay walong kaso na. Ang talang ito ay isinama ng PTFoMS sa ulat nito sa Committee to Protect Journalists (CPJ) na layong matanggal sa listahan ang Pilipinas sa Global Impunity Index sa taong 2020.
Salamat sa mga inisyatibong ito subalit kaya ba talagang protektahan nito ang mga mamahayag, sa lahat ng oras at panahon, saan mang lugar at pagkakataon? Magagaling at may malawak na makinarya ang mga may galit sa mga mamamahayag kaya may takot din sila, kaya ang iba ay nagseself-censor dahil takot sila para sa kanilang buhay baka sila na ang susunod na biktima.
Ngunit kailangan ng demokratikong lipunan ang isang malayang pamamahayag at ang mga journalista bilang mga pang-araw-araw na historyador ay salamin upang makita ng tao ang tunay na nangyayari sa likod ng nakapinid na pinto, dito nabibingit sa kamatayan ang isang mamamahayag.
Tama ang sinabi ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na, hindi dahil isa kang journalista ay protektado ka na sa mga nais pumatay sa iyo.                                PMCJr.

Amianan Balita Ngayon