Small scale mines sa Benguet, ikakandado mula Oktubre 1

ITOGON, BENGUET – Sinimulan na ang pagpapasara ng small-scale mines sa buong lalawigan ng Benguet simula Oktubre 1 matapos ang “Oplan Itogon” ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na kikilala sa mga minahan na kailangan nang ipasara.
Ang National Task Force Mining Challenge (NTFMC) na sinusuportahan ng Philippine Army, Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police, at ng National Bureau of Investigation ang magpapatupad sa crackdown sa lahat ng illegal na small scale mine sites.
Ang lahat ng taong makikita sa mga illegal na minahan at mahuhuling nakikibahagi sa pagmimina ay agad na aarestuhin. Kapag nanlaban ang mga ito ay maaari silang sapilitang huliin at dalhin sa himpilan ng pulis.
Kapag ang minahan ay makitang mapanganib ay wawasakin ito gamit ang mga pampasabog habang ang mga adit o bungad ng minahan na nasa magandang kondisyon pa ay isasara at lalagyan ng harang.
Ang lahat ng makikitang gamit sa lugar ay kukumpiskahin din.
Ang mga mahuhuling lalabag kasama na ang may-ari ng mga minahan ay ihahabla sa korte.
Ayon kay Benguet police director Sr. Supt. Lyndon Mencio, na isang Ibaloi mula sa Benguet, nakahanda ito at ang ang buong pwersa ng mga pulis na nasa ilalim niya upang ipatupad ang pagsasara sa lahat ng small-scale mines.
Ngunit ayon kay Benguet Small Scale Miners Federation President Engr. Lomino Kaniteng, matapos nakipulong sa mga miyembro ng pederasyon, ay susubukan nilang himukin si Pangulong Rodrigo Duterte upang muling ikonsidera ang shut down order sa mga maliliit na minahan.
Katwiran nila, ang naturang utos ay magdudulot ng “domino effect” sa kabuhayan at kinabukasan ng 88 associations sa probinsya ng Benguet na may 12,000 miyembro mula sa Itogon.
Ayon kay Kaniteng, hindi bababa sa 20,000 small scale miners at kanilang pamilya ang magugutom kapag lubusang ipapasara ng gobyerno ang small scale mining. A.ALEGRE / ABN

Amianan Balita Ngayon