Small Town Lottery operation, tinanggihan sa Kalinga

LUNGSOD NG TABUK, KALINGA – Nananatiling bigo na maipasok ang operasyon ng “legalized jueteng” na Small Town Lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa Kalinga.
Sa multi-sectoral Kapehan council na pinangunahan ni Governor Jocel Baac ay ipinagbawal ang STL matapos ang 140-6 na botohan kamakailan sa Capitol gym.
Ang pulong ay bukas kahit sa publiko at dinaluhan ni Tabuk City Mayor Ferdinand Tubban, Balbalan Mayor Ruben Dongui-is, mga opisyal ng barangay, mga pinuno ng religious organizations, mga empleyado ng provincial government, mga kinatawan ng iba’t ibang sektor at mga ehekutibo ng authorized agent na Mountain View Games of Chance Corporation.
Pinanindigan ng gobernador na ang STL ay hindi dapat payagan sa probinsiya subalit nakabinbin ang masusing pag-aaral ukol dito.
Nangako rin ang gobernador na walang jueteng sa probinsiya.
Ang STL ay itinatag ng pamahalaan bilang legal na alternatibo sa jueteng.
Kinuwestiyon din ni Baac ang paraan ng hatian ng PCSO kung saan makakatanggap ng 1.3 percent ang kapulisan, 1 percent sa provincial government at ang Office of the Congressman ay .75 percent. “Why do the police get larger percentage than the local government unit?” tanong ng opisyal. “Apay nga adda bagi ti Congress, anya kuma met ti biyang da dita? Tapnu agtalna da?”
Sa unang bahagi ng nakaraang buwan, sa isang emergency joint meeting ng Kapehan council at ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), tinuligsa ni Baac ang PCSO at ang authorized agent na Mountain View Games of Chance Corporation sa diumano’y hindi pagrespeto sa mga local officials nang iginiit nilang hindi matutuloy ang STL mayroon man o walang permit ng mayor.
Bagaman kinumpirma ni PCSO Cagayan Branch Manager Heherson Pambid na ang regulasyon ng STL ay pag-aari ng Board of Trustees ng PCSO at ang operasyon ay hindi nangangailangan ng mayor’s permit, itinanggi naman niya na sinabi niya ang hindi kanais-nais na pahayag.
Habang sina Kalinga Provincial Prosecutor Bartholomew Gamonnac at District Public Attorney Francis Calsiyao ay sinalungat ang pahayag ng PCSO na ang operasyon ng STL ay hindi nangangailangan ng mayor’s permit. “While it is true that the PCSO is not required to secure business permit, however, you are operating through a private corporation, so before that corporation can operate in Kalinga, you have to secure a permit,” ani Calsiyao.
Idiniin din ni Gamonnac na ang “pamahalaan ay nagsasagawa ng negosyo sa pamamagitan ng proprietary capacity, na nangangahulugan na ito ay sakop ng kapangyarihan ng lokal na pamahalaan upang mag-issue ng business permit”. Ipinaalala rin niya na, “If we look at the PCSO law, STL has not been established when Congress made the lotto law. It was the board that came up with STL.  Is that a law? Can that have the standing as a legislative act of Congress?”
Umapela rin si Catholic Bishop Hilary Pasikan ng Archdiocese of Northern Luzon sa PCSO na huwag nang ituloy ang STL kung nakakaharap nito ang malawak na kritisismo at pagtanggi mula sa mamamayan ng Kalinga at Apayao. “Please, if there is any chance – han tayo met siguro nga maibalud nu haan tayo nga suruten dayta nga law nga ibagbaga yu,” aniya.
Sinabi naman ng Balbalan mayor na ang mga residente ng kaniyang bayan ay hindi pa nakukonsulta sa kanilang sentimyento sa STL. Subalit sa personal, sinabi ng mayor na “But if you were to ask me, definitely we don’t like it.”
Hiningi ng Tabuk City mayor sa PCSO at Mountain View na ”spare Kalinga at spare ang Tabuk City mula sa STL operations”. A.ALEGRE / ABN

Amianan Balita Ngayon