Snatcher, kinuyog ng mga tao

LUNGSOD NG BAGUIO – Nadakip ang isang suspek sa pagnanakaw ng dalawang cellphone ng isang dalagita sa University of Cordillera overpass, Governor Pack Road, Baguio City bandang ika-3 ng hapon noong Pebrero 26.
Ayon sa imbestigasyon, naglalakad sa nasabing lugar ang biktima na taga-Malaybalay, Bukidnon, Muntinlupa City kasama ang kanyang kaibigan nang lumapit ang suspek na kinilalang si Leo B. Bedking. Puwersahang hinawakan ng suspek ang kamay ng biktima at pabulong na pinagbantaan itong susuntukin kung hindi ibibigay ang laman ng kanyang bag.
Dahil sa takot ay iniabot ng biktima ang kanyang dark green sling bag na may lamang dalawang cellphone na isang Samsung J7 na nagkakahalaga ng P12,999 at isang Oppo F1S na nagkakahalaga ng P13, 990. Nang makuha ito ng suspek ay dinuro nito ang biktima at sinabihang huwag itong magsusumbong bago kumaripas ng takbo palayo.
Ngunit sumigaw ang biktima ng “Holdaper, holdaper!” na naging dahilan upang mapalingon ang mga tao at hinabol ang suspek.
Nakaabot sila sa waiting shed ng Governor Pack Road, kasama ang ibang tao at kanyang kaibigan, nakita nilang duguan ang suspek na nakaupo sa nasabing waiting shed.
Agaran namang may rumespondeng pulis sa kanilang kinatatayuan. Melanie Z. Dela Cruz, UB Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon