Solar-powered na irigasyon sa Cordillera, malapit na

LUNGSOD NG BAGUIO – Pinasimulan ng Department of Agriculture sa mga magsasaka ng Cordillera ang solar-powered irrigation systems.
Ang solar power system ay naplano para sa mga lugar na walang irrigation system na may kapasidad na mag-pump ng 400 hanggang 1,000 gallons ng tubig araw-araw hanggang sa 150 hectares ng rice farm.
Ayon sa tala, ang Abra ang may pinakamalaking sukat ng rice farm sa anim na lalawigan ng highland region, subalit 44 porsiyento lamang ang lubos na naseserbisyuhan ng irrigation system.
Ani DA-OIC Regional Director Lorenzo Caranguian, ito ang nag-udyok upang ipakilala ang solar powered irrigation system sa lalawigan.
Ang Abra ang magiging pilot area ng solar irrigation system.
Hinamon naman ng departamento ang mga magsasaka na dagdagan ang lugar pangsakahan na maaaring magsilbi bilang counterpart ng DA sa paghahangad na makamit ang sapat na supply ng bigas sa bansa at idinagdag pa na may halos 2,500 hectares ang pwedeng gawing production sa lalawigan.
Sa datos ng Bureau of Statistics, sa 3.9 million hectares ng rice farms sa bansa, 1.2 million hectares lamang ang nakikinabang sa communal irrigation systems na nagpapahintulot sa mga magsasakang magtanim ng dalawang beses sa isang taon.
Sa natitirang 2.7 million hectares ng rice lands ay gumagamit ng tubig-ulan sa irigasyon, ang mga magsasaka doon ay makapagtatanim ng palay isang beses sa isang taon.
Noong Enero, inilunsad ng DA ang kauna-unahang solar powered irrigation system sa bayan ng Mlang, North Cotabato. Ace Alegre / ABN

Amianan Balita Ngayon