Solusyon at hindi numero ang kailangan ng taong-bayan

Nitong buwan ng Hulyo ay pumailanlang sa panibagong numero ang inflation rate sa 5.7% na pinakamataas sa loob ng siyam na taon, na naramdaman agad ang epekto at ikinababahala na ng nasa laylayan. Ang inflation ay siyang sumusukat kung gaano kabilis tumataas ang presyo ng mga bilihin. Mas lalong mababahala ang taong-bayan sa pahayag ng Department of Finance na maaari pang tumaas ito sa buwan ng Setyembre ng taong ito bago bumaba sa susunod na taon sa tinatayang nasa pagitan ng 2% at 4%. Kaya ibig sabihin nito ay magpapatuloy pa ang pagdurusa ni Juan at kailangan maghigpit pa lalo ng sinturon dahil lahat halos ng mga bilihin ay nagtataasan na ang mga presyo.
Sa datos ng PSA Consumer Price Index (CPI) ay lumabas na mas mataas ang ipinalo ng pagkain sa inflation na sa katunayan ay nilagpasan na ang kabuuang inflation mula nang ipasa ang TRAIN 1 kabilang na ang bagong excise taxes at nitong Hunyo ay umambag ang ‘food and alcoholic beverages’ ng 44% sa inflation na pinakamataas sa anumang kategorya. Kagaya ng bigas na malaki ang papel sa food inflation na lubhang tumaas ang presyo dulot ng nasaid na imbak ng NFA rice at pagkaantala ng pag-aangkat nito. Ang pagbulusok pataas ng presyo ng bigas (na mula P42-P60/kg) ay nag-udyok sa mga economic managers na itulak ang “rice tariffication” na iko-convert ang rice import quotas sa kanilang katumbas na taripa na inaasahang sertipikahan bilang ‘urgent bill’ ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lalong madaling panahon. Kapag naipasa na ang batas na ito ay bababa ang mga presyo ng bigas sa P4 hanggang P7 kada kilo at matulungang pigilan ang inflation. Maliban sa bigas (na may 4.7% inflation lamang) ang iba pang nasa kategoryang pagkain na may malaking paggalaw ng presyo ay ang mais 14.1%, isda (11.2%) at mga gulay (8.6%).
Sa mga numerong ito ay walang pakialam ang mga mahihirap ng Pilipino. Gaano at paano man ipaliwanag ng mga ahensiya ng gobyerno ang mga numerong nagpapabago sa ekonomiya at presyo ng mga bilihin ay hindi nila ito papansinin at kahit pa pilit nilang unawain ay ang negatibong epekto nito sa kanilang tiyan at buhay ang mas mahalaga. Mas lalong nararamdaman ng isang ordinaryong Pilipino ang hirap dahil sa mismong maliliit na bilihin gaya ng mga inatadong gulay, isda at iba pa ay halos dumoble na ang presyo at ang ilan ay halos triple pa. Kahit pa nagtakda ang DTI ng mga suggested retail price sa mga pili at pangunahing bilihin ay tila walang silbi ito dahil hndi naman sinusunod ng ilang mapagsamantalang mga negosyante. Pagkain pa lang yan, andiyan pa ang mga gastusin sa tubig, kuryente at bahay, gayundin ang edukasyon. Yan ang bigat na dala-dala ng bawat pamilyang Pilipino ngayon.
Maaaring may mga ayuda at programang handog ng pamahalaan subalit tila hindi ito nagiging sapat dahil mas mabilis pa ang paggalaw ng mga presyo kaysa pagdating at epekto ng mga ayudang pangako sa taong-bayan. Sabagay inamin naman ng mga ahensiya ng gobyerno na ang implementasyon ng mga hakbang upang maibsan ang paghihirap dulot ng implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ay mabagal. Dumagdag pa ang epekto ng mga bagyo at mahabang pag-ulan dulot ng habagat na nagpapa-iba sa mga presyo ng bilihin, lalo na gulay, isda at karne.
Napipinto na naman ang halalan at tiyak maraming sasakay (ang iba ay sumakay na) sa kasalukuyang isyu at tiyak puro pulitika na naman ang mangingibabaw at baka makalimutan na o maisantabi ang mga hakbang upang matugunan at masolusyunan ang paghihirap ng isng ordinaryong Pilipino.                            PMCJR.

Amianan Balita Ngayon