‘Sorry God’, ano ang timbang?

Praise the Lord! Ito marahil ang nagkakaisang reaksiyon ng taumbayan sa “Sorry God” ni Pangulong Rodrigo Duterte pagkatapos ng kontrobersiyal na katagang “Stupid God”.  Isa sa mga natuwa sa ginawa ni Digong ay ang CBCP o ang Catholic Bishop Conference of the Philippines. Haayyy buhay nga naman sa Pilipinas. Only in the world, pards. Kaiba kasi.  Ganyan tayong mga Pinoy. Kakambal lagi ang mga kontrobersiya. Pero tiyak, gusto pa ring busisihin ng ating mga taga-subaybay kung papaano ba ang nangyari? Sige, sumunod kayo.

******

Nang pumutok ang isyu hinggil sa “stupid God”, samut-sari na ang mga reaksiyon ng madla. May mga puna, batikos, ngitngit at may mga nagkibit-balikat din. Natural lang na marami ang na-shock. Sa dinami-dami kasi ng puwedeng idawit sa isang usapin, Diyos pa ang natumbok. Natural din na umalma ang religious groups at mga taong may respeto at pananampalataya sa Panginoon. Ang mga ito ay napahupa matapos ang ilang mga pag-uusap. Una sa lahat, tapos na rin ang diyalogo nina Digong at ang mga kinatawan ng Simbahang Katoliko. Napagkaisahan nila na tigil-dada na sila hinggil sa mga bagay na maaaring mag-udyok ng hindi pagkakaunawaan.  Nag-alok din ng pag-uusap ang leader ng Jesus is Lord na si Bro. Eddie Villanueva. Nag-usap na sila kasama sina Chief Presidential Legal Councel Salvador Panelo at Special Assistant to the President Bong Go.

******

Ayon sa ulat, sinabi mismo ni Pres. Duterte kay Bro. Eddie Villanueva na siya’y humingi na ng tawad o apology mismo sa Diyos. Nilinaw din ni Bro. Eddie kay Pres. Duterte na humingi ito ng apology hindi sa publiko, hindi sa taumbayan, hindi sa relihiyon kundi sa Panginoon. “Immediately after he made those remarks, he said, Sorry God, hindi ka kasama dito, you’re not included,” paliwanag naman ni Presidential Legal Counsel Panelo. Sa pulong na naturan, nagpaliwanag daw si Digong na nasabi niya ang kontrobersiyal na remarks dahil sa Australian nun na humaharap sa deportation na si Patricia Fox na ginagamit ang pangalan ng Diyos at ginagamit ang relihiyon sa paglabag nito sa batas ng bansa. Sinabi pa diumano ni Duterte kay Villanueva, na binabatikos siya ng nasabing madre ganun din ang gobyerno pero hindi naman nito napupuna ang mga pagkakamali ng kanyang bansa. Nilinaw pa ng pangulo kay Bro. Eddie na ang “kanyang Diyos ay all forgiving and all kind, and not one to create chaos and discredit others”.

******

Sa ginawang paghingi ni Pres. Duterte ng tawad sa Panginoon, pinuri siya ni Sen. Ping Lacson. Ika ng senador na nagpakita ang pangulo ng hakbang ng pagpapakumbaba sa paghingi na tawad sa Diyos.  Naniniwala ang senador na “hindi na mahalaga kung Diyos niya o Diyos ni Duterte ang hinihingan niya ng tawad dahil iisa lamang naman ang Diyos sa buong sansinuklob”.  Sa ganang amin, mabigat na aral ang iniwan ng ginawa ni Pres. Duterte – ang respeto o galang sa ating Panginoon gaano ka man kataas sa iyong tungkulin sa lipunan. Sabagay, lahat tayong nag-uusal ng dalangin ay laging kalakip ang ating pasasalamat sa pag-ibig ng Diyos at paghingi lagi ng patawad sa lahat ng ating pagsuwag sa kanyang utos. Dalangin namin: sana hindi na mauulit ang kontrobersiyang “stupid…”!!  Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon