SSS binawasan ang Unified Multi-purpose Identification Card replacement fee

Community Billboard

Inanunsyo ng Social Security System (SSS) na binawasan ang replacement fee para sa Unified Multi-purpose Identification (UMID) card ng P100 mula sa orihinal na P300 ay P200 na lamang ito ngayon.

Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc na masisiyahan sa P100 bawas sa pagpapalit ng kanilang UMID card na maaaring nawala o kailangang palitan dahil may pagbabago sa kanilang datos.

“Malugod naming ibinabalita na inaprubahan ng Social Security Commission (SSC) na pinangunahan ni Chairman Amado D. Valdez ang panukalang bawasan ang replacement fee kaya P200 na lamang ito ngayon,” sabi ni Dooc.

Batay sa SSC Resolution No. 604-s.2017, inaprubahan ng Commission ang pagbabawas sa halaga ng pagpapalit ng UMID card dahil bumaba din ang gastusin sa data capture service pati na rin sa produksyon ng card sa tulong ng ID card provider.

Sinabi din ni Dooc na naging epektibo ang mas mababang replacement fee noong Disyembre 11, batay sa SSS Office Order 2017-066.

Nabanggit din ni Dooc na makikinabang din dito ang mga miyembrong nais iwasto ang kanilang identification cards.

Batay sa SSS Office Order 2017-067, ipapataw lamang ang bawas sa replacement fee kung papalitan ang UMID card o ang lumang SSS ID dahil sa pagwawasto o pagbabago ng pangalan, petsa at lugar ng kapanganakan, kasarian, pagpapalit ng luma o nasirang card, pagbabago ng address ng tahanan, pag-uupdate ng litrato ng miyembro at pagbabago ng pirma sa card.

Binigyang diin din ni Dooc na walang bayad ang SSS-UMID card para sa mga miyembrong inisyal na mag-aaply nito.

Hindi rin sisingilin ng replacement fee ang miyembro kung ang SSS mismo ang may pagkakamali sa pag-eencode ng mga datos kabilang dito ang maling screening at capturing ng nakaraang aplikasyon.

Tatanggapin ng SSS partner banks ang bayad para sa bagong replacement fee ng UMID card. SSS MEDIA AFFAIRS DEPARTMENT / ABN