LUNGSOD NG BAGUIO – Inihayag ng Department of Health na sa kabila ng pagbaba sa case detection rate ng lungsod sa sakit na tuberculosis (TB) ay tumaas ang treatment success rate sa mga pasyenteng na-diagnose.
“Despite the low detection rate, we have a very high treatment success rate. Ibig sabihin, sa mga nade-detect nating pasyente, nagagamot naman natin which is the 89 percent. Yung natitirang 11 percent, along the course of treatment, sila yung mga namamatay,” ani Dr. Donnabel Tubera, Medical IV ng City Epidemiology Surveillance Unit, Baguio City Health Services Office.
Sa naganap na kapihan noong Martes, Marso 14, bilang bahagi ng obserbasyon ng World TB Day, ay isiniwalat ni Tubera na bumaba ang case detection rate ng lungsod sa 54.2 percent kumpara sa 61.55 percent noong nakaraang taon.
“The TB program target is 90 percent so we are below the target. So yun po ang gusto nating malaman kaya on-going ang TB Prevalence Survey para masagot po kung bakit mababa ang TB sa Baguio,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag niya na ang mga palatandaan ng sakit ay dalawang linggong ubo, lagnat, pananakit ng dibdib at likod, pagbaba ng timbang at blood streaked sputum (hemoptysis) o plema na may kasamang dugo. Nilinaw din niya na nakukuha ang sakit mula sa talsik ng laway kapag bumahing, kumanta ng malakas at dumura ang pasyenteng may TB at hindi nakukuha sa paninigarilyo at pag-inom ng alak bagaman nakakadagdag ito sa tsansa ng pagkakaroon ng TB.
Dagdag pa ni Tubera, nagagamot ang sakit na ito ngunit hindi pinapayagan ang mga pasyente na sumailalim sa self-medication. “May libre po tayong sputum examination, chest X-ray, gamot na umaabot sa anim na buwan na gamutan at libreng skin testing tuwing Lunes para sa mga bata na hinihinalang may primary complex,” aniya.
Nanawagan din siya sa mga nakakaranas ng dalawang linggong ubo na kumunsulta sa pinakamalapit na Health Center. Malou Aticao, UB Intern
March 17, 2017
March 17, 2017