Sumakay naman sila sa kapilyuhang Marites ni Digong

Sa mga matagal nang nakakakilala kay Pangulong Duterte, ang mga pabiro at kapilyuhan niya sa paglalahad ng kaniyang nasa isipan ay hindi na bago para sa kanila.
Sa mga kagaya natin na nasubaybayan ang kaniyang mga retorika sa nakalipas na limang taon ay maaaring hindi pa natin siya kilala ng lubusan o kaya’y nahihirapan pa ring intindihin ang takbo ng kaniyang isipan. Ngunit para sa mga pabor sa kaniya ay tila naaaliw sa kaniyang istilo kabaligtaran naman ng mga kritiko na yamot sa bawat maaanghang at brutal na mga pananalita.
Ang kamakailang walang-taros na pasaring na isang kandidato para sa pagkapangulo sa halalang 2022 ay sumisinghot daw ng “cocaine” ay isa muling patunay ng kaniyang kapilyuhan dahil walang kaabog-abog niyang isinambulat sa publiko ang kaniyang akusasyon.
Bagaman hindi niya tuwirang pinangalanan ang kandidato ay mistulang pinangalanan na niya ito dahil sa mga binanggit niyang mga palatandaan o himaton (clue) kung sino ito.
Karamihan o halos lahat siguro ay iisa ang nasa isip kung sino ang tinutukoy ni Pangulong Duterte dahil tila tumutugma ito sa mga himaton na binanggit kay Bongbong Marcos (BBM).
Ngunit ang suspetsa ay agad naapula dahil agad na nagpalabas si BBM ng negatibong resulta ng drug test na isinumite niya sa PDEA, NBI at PNP, bukod sa huling drug test ay may nauna pang negative result noon pang Nobyembre 10 para naman sa lisensiya para sa baril.
Nang mga sumunod na araw ay sumunod na rin sina Ping Lacson, Isko Moreno at Manny Pacquiao na nagnegatibo rin sa drug test. Habang sinusulat ito ay hindi pa nagpapadrug test o naglalabas ng negative drug test sina Lenie Robredo at Bong Go. Sa mga agad nagpa-drug test ay tila naisahan sila ni Digong – sumakay sa kaniyang pagkapilyo.
Marami ang nagsasabi na ang pahayag na ito ni PRRD ay upang siraan si BBM dahil lumalabas na siya ang patuloy na nangunguna sa mga survey at maibaling ang tiwala at suporta kay Bong Go na manok niya at mapalakas ang tsansiya niya sa pagka-pangulo.
Marami din ang nagsasabing ang ginawang ito ni Digong ay isang pakulo at drama lamang upang ilihis ang ilang isyu, lituhin ang mga kandidato at gambalain ang takbo ng kampanya.
Anuman ang tunay na dahilan ni Pangulong Duterte sa surpresang pahayag niya na may isang kandidato sa pagka-pangulo na gumagamit o gumamit ng cocaine (na pinagdududahan kong biglaan kundi pinag-isipan niya ito ng mabuti) ay iisa lamang ang maliwanag dito, seryoso ang akusasyon at malinaw ang pinapatungkulan niya kung sino ang kandidato ngunit agad nabara ang akusasyon.
Biro man ito o bunsod ng kapilyuhan ng Pangulo kung saan kilala na siya sa mga pahayag na tila nabibitin ay tumatak na sa madla na kaya niyang magpasakay sa kaniyang mga pahayag – kapilyuhan man ito o totoo.
Hangga’t hindi nagpapa-drug test ang manok ni Digong ay titingnan ng mga tao na biro lamang ang kaniyang pahayag na sa bandang huli ay hindi na siya paniwalaan sa kaniyang mga pasaring.
Isa pa ay hindi natin dapat isantabi na matagal na sa pulitika ang Pangulo at ang paglalaro dito ay bihasa na siya, kaya tataya siya kalaban upang masiguro ang kaniyang pagkapanalo. Sumakay ka man o hindi!

NEW AMBULANCE

Amianan Balita Ngayon