Suplay ng bigas sa Baguio-Benguet sapat ayon sa NFA

Siniguro ng National Food Authority na mayroong sapat na buffer stock ng bigas para sa mamamayan ng Baguio at Benguet.
Bago pa manalanta ang bagyong Ompong ay nakapamahagi na ang ahensiya ng 5,800 (50 kilogram) na sako ng bigas sa iba’t ibang NFA retailers sa kanilang nasasakupang lugar at iba pang pamamahagi ng 7,193 sako matapos ang bagyo, ito ang iniulat ni Jennifer Paraton ng NFA Baguio-Benguet Provincial Office sa pagpupulong ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council.
Ayon pa kay Paraton ay naglabas na rin ang Department of Social Welfare and Development- Cordillera ng 1,450 sako habang may sumunod na order ng 3,600 sako para sa relief operations. Bumili rin ang ilang local government units ng 110 sako at 209 sako ng iba pang grupo na may kinalaman sa relief operations.
Sa kasalukuyan ay mayroong 15,150 sako na buffer stock sa NFA Baguio- Benguet warehouse sa Loakan Road at 25,000 sako pa ang hinihintay mula Poro Point sa San Fernando, La Union.
Samantala ay niliwanag ni Paraton na walang regulation power ang NFA laban sa presyo ng commercial rice at ang tanging maitutulong lamang nila sa mga consumer ay siguruhin ang pagkakaroon ng mababang presyo na NFA rice sa merkado na patuloy nilang ginagawa.
Mayroong 130 authorized retailers sa Baguio-Benguet ang NFA at ang implementasyon ng limitasyon ng pwuedeng bilhin ng bawat tao sa bawat araw ay kasiguruhan na lahat ay mabibigyan ng pantay na oportunidad para makabili ng NFA rice. Lito M. Camero Jr. /CCD, PIA-CAR / ABN

Amianan Balita Ngayon