Suplay ng tubig sa Baguio, papunta na sa kritikal – BWD

LUNGSOD NG BAGUIO – Sa kabila ng magkakasunod na araw na bumuhos ang malalakas na ulan noong nakaraang linggo ay nagbabala ang Baguio Water District sa sobrang pagkonsumo ng tubig bunsod ng patuloy na pagbaba ng groundwater levels mula pa noong nakaraang buwan.
Mula sa karaniwang 55,000 cubic meters (m3) na nakukuhang tubig kada araw ay bumaba sa 42,000 m3 ang naitala ng BWD noong Marso.
“As the ground water levels gradually reach critical level, it indicates less water to be supplied and distributed,” pahayag ni BWD General Manager Engr. Salvador M. Royeca.
Bilang resulta ay naapektuhan ang pamamahagi ng tubig lalo na sa mga matataas na lugar sa lungsod.
Ayon sa tala ng BWD, ang mga deepwells na nasa ilalim ng pamamahala ng water district ay may 64.5% productivity o katumbas na output na 38,000 m3 lamang kada araw sa kasalukuyan. Ito ay maliban sa tubig na nakukuha sa mga bukal.
Samantala, nakikinita na ang pagkaantala sa regular na water supply schedule sa ilang bahagi ng lungsod ay tinatayang magtatagal hanggang sa buwan ng Mayo dahil ang distribution tanks ng BWD ay mas matagal na mapuno bago ang pamamahagi ng tubig.
Ayon kay Royeca, isa sa dahilan ng kakulangan sa suplay ng tubig ay ang hindi gaanong pag-ulan noong nakaraang taon at ang patuloy na pagtaas ng demand sa tubig sa lungsod.
Aniya, ang kompetisyon sa pagitan ng mga private deepwells na pinamamahalaan ng nagnenegosyo sa water delivery ay nagiging dahilan din ng mabilis na pagkaubos ng groundwater.
Ang groundwater ay ang tubig na nasa ilalim ng lupa at isa sa pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig. Ito ay natural na nalalagyan o napupunong muli sa pamamagitan ng ulan na tumatagos sa ilalim ng lupa. Ang kakulangan ng suplay ng tubig ay nangyayari dahil ang paggamit ng tubig ay mas mabilis kaysa sa natural na pagkapuno ng groundwater.
Iminungkahi ni Royeca sa publiko na ugaliin ang pag-iipon ng tubig-ulan lalo na at mistulang mapapaaga ang pagdating ng tag-ulan.
“We hope aquifers will be able to recharge early as the rainy season seemed to start already, with all means we encourage the public to make use of their water basins to store water which can be used for some household chores,” ani Royeca.
Idinagdag nito na ang mga pag-ulan kamakailan ay hindi nangangahulugan ng agarang pagkakapuno ng groundwater.
Upang matugunan ang puwang sa pagitan ng supply at demand sa tubig ay pinapabilis din ng BWD paggawa sa mga nasimulan nitong proyekto.
Inaasahan ng BWD na sa huling quarter ng 2018 hanggang sa unang quarter ng 2019 ay matatapos na ang rehabilitasyon ng Sto. Tomas Rain Basin at ang paggawa ng Busol Rain Catchment facility.
Nagpapatuloy din ang paghahagilap sa dagdag na underground water sources. Noong nakaraang buwan ay dalawang well drilling project ang natapos sa Tam-awan at Military Cut-off habang mahigit sa pito na mungkahing drilling projects ang nakapila sa Camp 7, South Drive, Pinesville, Salud Mitra, Kadaklan-Apugan, Outlook at Loakan, isa ang nasimulan na sa Busol Tip-top.
Noong Enero ay ginanap ang ground breaking ceremony para sa mini-bulk water supply sa Badiwan, Tuba, Benguet. Ang proyekto ay tinatayang makakagawa ng 2,000m3 hanggang 5,000m3 na dagdag na suplay ng tubig kapag natapos ito sa 2019.
Nakiusap naman si Royeca sa mga konsumer na ipaabot sa kanilang tanggapan nang maayos ang mga hinaing sa suplay ng tubig, “We would appreciate if people will contact us through our available hotline numbers and not only post them on social media, for us to immediately act on their respective concerns.”
Aniya, maaaring tawagan ang mga numero 442-4929, 442-3218, 442-6539, 0908-865-1504, 0917-679-4929, 0922-840-9765, o mag-email sa [email protected]. Maaari ring bumisita sa Office of the General Manager sa 003 Purok BWD, Barangay Marcoville, DPS Compound. PR / ABN

Amianan Balita Ngayon