Supporters ng free dialysis, aabot sa 10,000

Matapos inilunsad ang signature campaign ng free dialysis noong ika-17 ng Enero ay naging maugong na sa lungsod ang kampanya para ipalaganap at lalo pang ipakalat sa mga residente at ahensya ng gobyerno maging sa pribado at sa ibang probinsiya ng rehiyon ay umabot na sa 10,000 ang supporters at inaasahang tataas pa ang bilang ng susuporta rito.

Dahil sa labis na rin na pag-aalala sa pagtaas ng bilang ng mga pasyente na may mga sakit sa bato ay maraming tao na ang nag-volunteer na sila na mismo ang lumalapit magbigay ng kopya ng petisyon sa kanilang mga kaibigan, residente para mangalap ng higit pang mga lagda.

Kamakailan ay inaprobahan ng city officials sa pangunguna ni Mayor Mauricio G. Domogan at Vice Mayor Edison Bilog at lahat ng konsehal ay buong suporta sa kampanya at inaasahan na makamit nito ang tagumpay na magkaron ng pag-asa para sa mga nagda dialysis.

Sinabi ni Congressman Marquez Go, “sinimulan na natin nakipagkasundo sa mga ahensya na direktang kasangkot na magkaloob ng dialysis assistance na kung paano sila makahanap ng mapagkukunan at makabuo ng pinag-isang programa.

“Ipinakonsulta rin natin ito sa Senado sa posibleng masubukan nating ilahad muli ang kahantulad na senate bill na ipinasa ni Senator Sonny Angara na kilala bilang dialysis center act,” aniya.

Samantala, tinatawagan ang lahat ng government officials ng probinsya sa municipal at barangay levels sa rehiyon at sa ibang panig ng bansa na sumunod sa Baguio at La Trinidad na manguna para sa pag-aproba ng resolutions na humihiling sa Office of the President, Senate House of Representatives, Department of Health, PhilHealth at sa national government agencies na bumuo ng pinag-isang Free Dialysis Health Program sa buong bansa.

Ang Baguio Correspondents and Broadcasters Club (BCBC) at ang Philippine Information Agency Cordillera (PIA-CAR) ay humihiling sa grupo at bawat isang indibidwal na makipagkaisa sa kampanya sa pamamagitan ng pag download ng mga kopya ng petisyon sa website at link ng www.change.org/p/urge-president-rodrigo-roa-duterte-make-dialysis-treatment-free-for-all-filipinos.

Sinabi ni BCBC president veteran journalist Ramon Dacawi, “We also call on Cordilleran expatriates to help spread the word and gather signatures using the same downloadable copies of the petition.”

Sa online petition ng www.change.org ay nakapasok na sa 651 supporters mula sa lahat ng dako ng bansa.

Isang patunay lamang ito na maraming nagbigay ng suporta at komento sa social media mula sa ibang bansa.

Inaasahan na makakamit itong kampanya ng free dialysis sa bansa bilang malaking tulong na rin sa mga pasyente na may mga sakit sa bato at nagpapasailalim ng dialysis. ABN

Amianan Balita Ngayon