Supreme Court ibinasura ang apila ni ex-Rep. Aliping

LUNGSOD NG BAGUIO – Hindi kinatigan ng First Division ng Korte Suprema ang apila ni dating Baguio City congressman Nicasio Aliping Jr. at dalawang malalaking public works contractors Romeo Aquino ng RUA Construction at William Go ng Goldrich Construction.
Ibinasura ng katas-taasang hukuman ang tatlong hiwalay na petitions for certiorari ni Aliping at dalawang contractor  na kung saan iginigiit na gaya ng unang desisyon ng Ombudsman, ang lupang inaari ni Aliping ay naideklara bilang isang forest reservation mula pa 1940, kaya hindi maaaring maging pribadong pag-aari ito kahit pa may mga naninirahan na at natayuan na ng national roads o mga gusali ang nasabing lugar.
Ayon sa resolusyon ng SC ay inumpisahan ni Aliping ang pagpapatag at paghuhukay ng walang kaukulang excavation permit. ”Accordingly, no grave abuse of discretion can be attributed on the Ombudsman’s finding of probable cause against petitioner who stands charged for violation of a special statutory law which is considered mala prohibita where the only inquiry is whether or not the law has been violated,” nakasaad sa resolusyon.
Kinuwestiyon ni Aliping at dalawang contractor ang kakulangan ng merito ng unang desisyon ng Ombudsman na nagsasakdal sa kanila ng paglabag sa mga probisyon ng Presidential Decree (PD) 705, o ang Revised Forestry Reform Code of the Philippines.
Sa resolusyon ng SC na may petsang Hunyo 5, ay nakasaad na matapos ang matalinong pag-aaral sa kaso ay niresolba ng korte na idismiss ang “instant petition for certiorari” dahil sa nabigo si Aliping na matibay na ipakitang umabuso ang Office of the Ombudsman sa diskresiyon nito sa pag-isyu ng kautusan noong Oktubre 5, 2015 at Agosto 24, 2016 sa OMB-L-C-15-0094, na nakakita ng probable cause para panagutin siya sa paglabag ng Section 77 at Section 78 ng PD No. 705 o ang Revised Forestry Code of the Philippines na na-amiyendahan. Nagpila ang mga petitioner ng hiwalay na motions for reconsideration na nag-aakyat sa usapin sa SC en banc na humihiling ng reversal ng resolusyon ng 1st Division ng Supreme Court. Dahil sa pagtanggi sa instant petition for certiorari ay tinanggihan din ng SC ang kahilingan ni Aliping sa pag-isyu ng isang temporary restraining order.
Sa argumento ni Aliping sa pagpila ng certiorari ay sinabi niyang …”I only exercised my right to avail of every legal remedy as part of due process.”  ”(My) motion for reconsideration was filed to point out the apparent abuse of discretion of the Office of the Ombudsman to our case.”
Sa hiwalay na mga resolusyon na may petsang Abril 24 at Marso 30 ay dinismiss ng SC ang hiwalay na petitions for certiorari na ipinila nina Aquino at Go na kumukuwestiyon sa desisyon ng Ombudsman dahil sa kakulangan diumano ng merito, at tinanggihana ang kanilang kahilingan sa pag-isyu ng isang temporary restraining order laban sa implementasyon ng nasabing resolusyon ng Ombudsman.
Nag-ugat ang kaso nina Aliping, Aquino at Go mula sa diumano’y maramihang pagputol ng punongkahoy at paghuhukay na diumano’y ginawa ng dating mambabatas na kinomisyon ang tatlong property developers upang isagawa ang kinukuwestiyong diumano’y illegal na aktibidad sa loob ng inaari niyang lupa sa Mt. Sto. Tomas watershed sa Tuba, Benguet ilang taon na ang nakakaraan.
Nagsagawa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng imbestigasyon sa nasabing kontrobersiya at base sa kanilang ulat ay may mahigit 700 tree seedlings at saplings ang diumano’y nasira sa lugar sa kasagsagan ng paghuhukay.
Una dito ay inirekomenda ng Ombudsman ang pagpila ng kaso para sa paglabag sa PD 705 laban kay Aliping sa Regional Trial Court Branch 10 sa La Trinidad na siyang naatasang environmental court sa Benguet.
Maaalalang pinangunahan ni dating Baguio-Benguet Bishop Carlito Cenzon at Archbishop Socrates Villegas ng Lingayen-Dagupan Diocese ang pagpila ng isang Writ of Kalikasan upang patigilin ang mga aktibidad sa bundok at matigil ang pagkasira nito, ng Temporary Environment Protection Order (TEPO)  upang patigilin ang road openings at iba pang aktibidad na ginagawa sa Mt. Sto. Tomas watershed. PMCJR. /AADUMLAO / ABN

Amianan Balita Ngayon