Suspek sa pamamaril arestado, isa patay sa hiwalay na operasyon ng pulis

LUNGSOD NG TUGUEGARAO – Naaresto ang dalawang suspek sa pamamaril sa magkahiwalay na insidente na naganap sa Sta. Maria at Alicia, Isabela noong Hulyo 10, 2018.
Ayon kay Police Regional Office 2 (PRO2) Regional Director PCSupt. Jose Mario Espino, na bandang 1pm ng nasabing araw, pinagbabaril ng dalawang suspek na lulan ng motorsiklo si Edwin Macapallag, butcher at residente ng Brgy. Minanga Norte, San Pablo, Isabela.
Naganap ang insidente sa Brgy. Poblacion 1, Sta. Maria, Isabela partikular sa harap ng SMCA Cockpit Arena. Ang mga personnel ng Sta. Maria police station ay kasalukuyang nagsasagawa ng patrolya sa nasabing lugar at agad na rumesponde sa nasabing insidente. Nagpalitan ng putok sa pagitan ng pulis at ng mga suspek. Ang suspek na si Bryan Soriano, 25, tricycle driver at residente ng Brgy. Minanga Norte, San Pablo, Isabela, ay tinamaan kaya nahuli ito. Habang ang kaniyang kasama na kinilalang si Benjie Soriano, 26, residente rin ng nasabing lugar ay nakatakas. Isinasagawa ang pursuit operation para sa posibleng pagkaaresto ni Soriano.
Base sa imbestigasyon, ang motibo ng pamamaril ay dahil sa matagal nang alitan. Kasalukuyang isinasagawa ng Sta. Maria police station ang mga kinakailangang dokumento upang ipila sa kaukulang kaso laban sa mga suspek.
Samantala, bandang 8:30pm ng parehong araw, nabaril si Romeo Pasion, 66, retired ISELCO 1 employee at residente ng Brgy. Magsaysay, Alicia, Isabela. Ang suspek ay kinilalang si Antonio Benitez, residente ng Brgy. Calaocan, Alicia, Isabela.
Rumesponde ang Alicia PS sa nasabing lugar at nagsagawa ng hot pursuit operation. Nakita ang suspek na nagtatago sa bahay ng diumano’y kalaguyo nito na si Juliet Oktubre sa Purok Sampaguita, Brgy. Calaocan, Alicia, Isabela.
Hiniling ng mga tauhan ng PNP ang suspek na lumbas sa nasabing bahay subalit tumanggi ito at nagpaputok sa mga otoridad kung kaya naman gumanti rin ng paputok ang mga otoridad upang masukol ang suspek.
Subalit, sa halip na sumuko, nagpalitan ng putok sa pagitan ng suspek at mga otoridad at tinamaan ang suspek kaya nagtamo ng sugat. Agad na dinala ang suspek sa malapit na ospital ng mga rumespondeng Alicia Rescue 531 at idineklarang dead on arrival.
Pinuri ni Espino ang mga patrol officers ng Sta. Maria at Alicia Police Station, kapwa ng Isabela Provincial Police Office sa pagganap ng kanilang mga tungkulin nang maayos. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng beat patrol sa paghadlang ng krimen sa komunidad. “As such, it cannot be denied that the exercise of Beat Patrol System is very important function of the PNP,” dagdag niya. S.DILAN

Amianan Balita Ngayon