Suspension order sa LCMC, kinansela ng Malacañang

Nakatanggap ng stay order mula sa Office of the President ang Lepanto Consolidated Mining Corporation (LCMC) hinggil sa naunang ibinigay na suspension order ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa diumano’y isyu nito sa proseso ng auditing at hindi pagsunod sa pamantayan ng tamang pagmimina.
Matatandaang noong buwan ng Pebrero ay sinuspinde ng kalihim ng DENR na si Gina Lopez ang apat na korporasyon na OceanaGold Phils. Incorporated, Citinickel Mines and Development Corporation, Ore Asia Mining and Development Corporation at ang LCMC dahil sa mga suliranin sa auditing at kawalan ng lehitimong pagsunod sa alituntunin ng pagmimina; samantalang 21 pang korporasyon ang ipinasara pa ng ahensya.
Sa isang talakayan sa Mining and Geosciences Bureau-Cordillera Administrative Region (MGB-CAR) noong ika-11 ng Abril, sinabi ni LCMC Communications Head Butch Mendizabal na nakatanggap sila ng stay order mula sa Palasyo noong ika-7 ng Abril. Aniya, isa itong positibong balita dahil mas mapapaigting umano nito ang paninindigan nilang sila ay sumusunod sa alituntunin ng responsableng pagmimina.
Pinabulaanan din ni Mendizabal ang mga paratang ng iresponsableng pagmimina, at sinabing walang sapat na dahilan at ebidensya ang DENR upang bigyan sila ng suspension order. Aniya, patuloy pa rin ang operasyon nila kahit hindi pa man sila naaabisuhan ng stay order.
Ang LCMC ay itinatag noong 1936 at 80 taon nang namamalagi sa industriya ng pagmimina. Isa ito sa mga pangunahing pinagkukunan ng ginto, tanso, at pilak. Sila rin ay nangangasiwa sa libo-libong empleyado na namamahala naman sa parehong ibabaw at ilalim na aspeto ng minahan.
Sa ngayon ay hinihintay pa kung may iba pang korporasyon ang bibigyan ng Stay Order maliban sa LCMC. Wendell L. Roque, UB Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon