Tambak ng kandidato… Kakaliskisan!

Alam niyo ba mga Ka-Daplis na kamakailan lang ay napakahaba ang mga pumila para bakuna dito sa Baguio City? Grabe sa dami. Kilokilometro ang haba. Nakakagulat.

Pero dapat tayong magpasalamat dahil ang ibig sabihin ay marami na tayong kababayan ang gusto talagang magpabakuna. Kudos po sa lahat. Ibig sabihin, may dinaanan ang kampanya ng ating pamahalaan. Kamakailan kasi…may daplis si Pres. Duterte sa mga taga-LGU kasama na ang mga kapitan ng barangay na alamin sa kanilang nasasakupan kung sinusino ang di pa bakunado.

Sumatotal… sa nakita nating pagtalima ng ating kababayan (sana all sa buong Pilipinas) sa pagpapabakuna…baka sa malapit na hinaharap ay bababa na ang hawaan at nagpopositibo sa Covid-19. Tapik: alisin na ang pagmamatigas at maling akala hinggil sa bakuna. Kaligtasan muna bago ang ano mang hinala.

So, kung ang tambak ng mga kontra-bakuna ay unti-unting nalulutas….papano naman kaya ang “Tambak” ng mga kandidato para sa eleksiyon 2022? He he…tiyak kakalbuhin ang mga maninipis na ang buhok na taga-Comelec. Sabagay, may hanggang Disyembre daw sila upang mangaltas.

Tiyak na mga Trapos (tradisyonal na pulitiko) na lang ang matitira. Sila ang mga dati nang tumatakbo, nanalo at natalo. Eh, papano naman kaya ang mga tradisyonal na takbo nang takbo na wala namang kapana-panalo.

Gusto lang manggulo yong iba. Yong iba naman ay gusto lang makagawa ng pangalan na tumakbo siya. Dapat, may batas na tayong bago hinggil sa tambakan ng kuno ay gustong manilbihan sa tuwing eleksiyon. Dapat may mahigpit na panuntunan kung sino ang mga karapat dapat na pagpilian sa tuwing halalan.

Mas maganda siguro, bulong nila…kung may katumbas na parusa sa mga matutuklasang gusto lang guluhin ang proseso ng eleksiyon. Tanong: kailan kaya magkakaroon ng batas hinggil dito?

Ang masaklap kasi, tanggapin man o hindi…parang ginagawang negosyo (raw) ang pulitika sa ating bansa. Ang mas masaklap pa, pards….kahit tapos na ang halalan at may mga nakaupo na…sa lahat ng mga transaksiyon sa serbisyo ng gobyerno mula baba pataas…laging nakapulupot ang pulitika sa lahat ng proseso, di ba?

Kahit sa pagkuha na lang ng mga bagong empleado, nababahiran ng pulitika dahil sa utang sa bawat eleksiyon…..utang na loob, utang na serbisyo, at utang na pondo, di ba? Papano makakabawi ang nagbabayad na nakaupo? Diyan na papasok ang demonyong korapsiyon, pards.

May mangungurakot na para lang makabawi. Ang masaklap, kung ang mangungurakot ay malalim ang bulsa? Wasak ang kaban ng bayan. Wasak din ang mga patrabaho dahil magiging dispalinghado ang mga ito dahil nakaltasan na ang pondo. Yan ang nakakabanas nating eksena sa ating bansa. Sabi nga ng mga matatanda: mula noon hanggang ngayon, di na tayo nagbago.

Ang nakakaawa ay ang mga matitino, honest at masisipag na mga public servants bagama’t mas kakaunti kumpara sa tambak ng mga bulok ang gawa. Kung baga sa basura, Daplis ng isang analyst: mas maraming nabubulok kaysa recyclable.

Ibig sabihin, mas marami ang tapon kaysa pakibnabang. Di bale sana kung ang nabubulok ay ginagawang pataba para medyo may pakinabang naman.

Pustahan tayo, (bigwas ng mga sutil)…sa susunod na mga eleksiyon…samdamukal pa rin ang mga magfa-file ng COC na mga masasabing panggulo o nuisance.

At tiyak…may mga tambak pa rin ng mga electoral protest ng mga natalo raw kasi dinaya. Pero bawi ng isang praktikal na kalahi: yan ang Pilipinas…”only in the galactic universe”. Kung panahon sana (raw) ni Noah…noong bumaha…maraming Pinoy ang nakasabit sa gilid ng arko at gustong magpaligtas. Kaya sa lahi natin…medyo may tama ang kasabihang: Huli man daw ay magaling…huli na rin! Adios mi amor, ciao, mabalos!

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon