Tapos na ang eleksyion… pero?

Haayyy, natapos din ang halalan. Pero ang sandamukal na mga “pero”, “bakit” at tonetoneladang kontrobersiya ang nireresolba.

Sing-gusot ng pansit ang sumunod. Sige, isaisahin nating kaliskisan ang mga eksena, mga pards.
******
Unahin natin ang say ng Philippine National Police (PNP) na “generally peaceful” daw ang halalan. Amen. Kasi nga naman, parang kakaunti ngayon ang mga karahasan.

Bagamat marami na ang mga lugar o rehiyon na tapos na ang eleksiyon at may mga naproklama na, may mga lugar pang hindi nakakaboto.

Isa na riyan ang Zamboanga del Norte. May mga lugar doon na pinatigil ang bilangan dahil sa problema ng mga Jalosjos kung saan sumugod ang mga ito sa City Hall at Comelec dahil sa kanilang reklamo sa proseso ng halalan at etsetera pang problema.

May mga hinihintay pa ring mga return sa mga malalayong lugar. Ang resulta, nabibitin ang kartada ng puwesto ng mga nasa top 12 sa senatorial race at wala tayong magawa kundi ang maghintay. Hanggang kailan?
******

Vote buying? Sandamukal na pera ang nakumpiska ng mga awtoridad na diumano’y gagamitin sana sa pagbili ng boto, ayon sa report.

May mga nahuling bumibili ng boto at mga tumatanggap. Pero tiyak na kinakailangang imbestigahan pa ito at dapat mapatunayan. Sa kasaysayan nga naman kasi ng eleksiyon, wala pa yatang napaparusahan sa vote-buying maski marami na ang reklamo.

Di ba mismong si Pres. Duterte na ang nagsabi na hindi na nawawala ang isyu ng bilihan at bentahan ng boto sa tuwing eleksiyon.

Ang masaklap lang ay kung papano mapapatunayan. Masakit na katotohanan pero saksi ang buong bansa sa diumano ay bilihan ng boto pero wala namang nagrereklamo.

Kung meron man, hindi nagpupursige sa kaso. Tapos ang laban.
******

Sabi ng Malakanyang, dapat turuan daw ng leksiyon ang Smartmatic dahil sa mga aberya sa nakalipas na eleksiyon. May aberya sa VCM (Vote counting machine) at SD cards kaya naantala ang usad ng halalan sa buong bansa.

Meron pa ngang sinunog na VCM sa Norte dahil siguro sa inis bagamat huli na ang mga suspek. Paliwanag ng mga IT expert ay malaki daw talaga ang tiyansa na magloko ang mga VCM lalo na’t tatlong taon ang nakalipas bago ginamit muli ang mga naturang makina.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, dapat turuan ng leksiyon ang Smartmatic sa dami ng reklamo dahil sa sablay nito sa pagpapatupad ng automated election.

Dapat din daw magpaliwanag ang Smartmatic kung ano ang dahilan ng mga aberya sa mga VCM kasi kung hindi maayos ang rason, baka masasampahan ng kaso ang kompanyang ito.

Ayon kay Panelo, dapat magkaroon ng regular na testing sa mga VCM upang masigurong gumagana ito sa oras na muli itong gamitin.

So, ibig bang sabihin na ang mga makina pa ring ito ang gagamitin sa mga susunod na eleksiyon gaya ng Presidential election sa 2022? Sana hindi na maulit ang nangyari ngayon.
******
Sa pagpalya ng makinarya ng Smartmatic kung saan sinundan pa ng mabagal na pag-transmit ng resulta ng mga boto sa ibat’ibang rehiyon, tiyak marami ang nagdududa na baka may hokus-pokus na nangyayari.

Sabi naman ng Comelec, malinis ang halalan at walang bahid na dapat pagdudahan. Tiyak ang sagot ng ilang inis na mga botante, “ows, gaano katotoo?”

Lalo na sa panig ng mga talunan (oposisyon) tiyak na hindi sila titigil na halukayin ang mga inaakala nilang mga kontrobersiyang naganap sa katatapos na eleksiyon.

In short, hindi pa tapos ang eleksiyon.

Amianan Balita Ngayon