TARAH NA

BAGO ang lahat, ating bigyang pagbati ang ating pambato sa Ms Universe-Philippines pageant, si Bb. Tarah Valencia. Ginawaran sya ng parangal bilang Ms. Suprainternational – anuman ang ibig sabihin ng bansag – at kabilang sa sinasabing Royal Court ng nagwaging Kandidata ng Bulacan. Hindi matatawaran ang bagong tagumpay ng ating pambato. Talaga namang maipagkakapuri ang kanyang pagkakapili una sa Top 20, tapos ay sa Top 10, at ang huli nga ay sa Top 5. Hindi man pinalad, sa kabila ng talino at katatagan na kanyang ipinamalas, katangi-tangi pa rin ang kanyang nakamit. Uliran sa ganda, gayuma, at halina. Kaya naman, Tarah na!

Inuulan man ang lungsod nitong mga nakaraang araw, lalo naman tayong dinadagsa ng mga turista, lalo na sa
pinanggalingan mga kabayanan sa baba ng Baguio. Kasi naman, lampas-langit halos ang napakainit na panahon na
humampas sa ating mga kababayang hilo na sa tagtuyot. Hindi tuloy magkadaugaga ang mga dumarating na turista.
Pinili nilang magpalipas ng mga 2-3 araw dito sa Baguio, malanghap lamang ang natural na hanging dulot ng malamig – hindi nanlalamig – na temperatura. Hindi nga kalamigan ang hanap ng ating mga kababayang taga-baba.

Maski na ilang araw ng fresh natural air, kanilang lalandasin ang ating lungsod na kilala naman sa pagiging lugar ng ma-preskong hangin. Hindi ibig sabihin na mahangin tayong mga tagabundok ng Baguio. Nagkalat ang mga mahangin sa Batasan Hills sa Quezon City, di po ba? NITONG mga huling araw, halos tuwing hapon ay umuulan na, tulad ng mga nakaraang taon na pagdating ng panahon na ating nararanasan ngayon, halos hapon-hapon ay
umuulan. Mainit sa katanghalian, ngunit pagsapit ng hapon, biglang nagdidilim ang panginorin, at bubuhos na lamang ang ulan upang kahit ilang oras ay madiligan ang nagbibiyakang lupa.

Hindi nga po ito dapat pagtakhan. Sa gitna ng umiiral na tindi ng tag-init, lalo na sa kapatagan at kaMaynilaan,
lampas-langit na nga ang pagbulusok ng init ng panahon. Humahampas, humahambalos. Init na nanunuot. Kaya naman, nitong mga huling araw, halos mala-pyesta ang reaksyon ng sambayanan sa biglaang pagbuhos ng ulan.
Sunod-sunod na malalaking mga patak. Nagbabaha na nga sa ibang mababang mga lugar, tulad ng City Camp kung saan nandoon ang lagoon na hinihimlayan ng umaagos na tubig. Sana naman ay tuloy na ang tag-ulan. Ibang klase at
kalidad ang nagdaang tag-init.

Humahagupit. Kaya naman, hindi kakaunti ang ang halos mag-sayawan sa tuwa habang tinatanggap ang mga tikatik ng mga patak na hulog ng langit. Kung noon ay agam-agam ang inihiyaw sa mga weather forecast na uulan sa Mayo,
ngayon nga ay buong katuwaan ang kanilang naibubunghalit. Kakatuwa ka Pinoy! Tag-ulan na talaga. Paalam na sa tag-tuyot na panahon. Ang madalas ngang marinig, ngayong patapos na ang taginirt, ibaon na sa limot ang mga
nagdaang araw na kailan lang nating dinaanan. Na kung saan, sagad hanggang buto-buto ang init sa maghapon at magdamag, Ganito na nga ang mga nakababaliw na senyales ng panahon? Na ang tag-tuyot ay magdudulot ng ibayong init na hindi pa kailanman naranasan?

Maaalala pa ba ang mga pawis natin na hindi lang tumatagtak? Di po ba, umaagos na? Mga pawis natin, hindi na patakpatak. Buo-buo na. Hindi parang luha, kundi parang agos na may hapding iniiwan sa katawan. Kaya naman, ngayong tagulan na, hayaang buksan ng kalangitan ang lahat ng bintana upang ibuhos ang biyaya ng ulan. Hayaang basain ang mga tigang na kalupaan na binasagbasag ng init ng panahon. Hayaang kahit minsan ay magtampisaw tayo sa ulan, at buong layang paagusin ang tikatik ng tubig mula ulo hanggang paanan. Tunay na pinapalad tayong mga taga-Baguio. Ang lungsod ay may mga gubat na yumayakap sa Central Business District.

Ang mga puno ay tila mga bantaykalikasan na nagsisilbing ugat ng hanging pumapawi sa init ng maghapon. Kung hindi sana nabawasan ng walang puknat na pagputol ng mga puno, lalo at higit ang pine tree, lalo siguro tayong nakararanas ng kaunting kalamigan, kahit na nasa klima ng tag-init. Tunay na katangi-tangi ang ating lungsod. Binalangkas at binuo upang magsilbing mapang-akit na gayuma sa mga nasa ibaba nito. Kahit ngayong panahon ng tag-init, ang nararamdaman ay mahinahong init na kaya pang indahin at salagin, anumang oras, maski sa rurok ng kataasan ng araw.

Kapag kalagitnaan naman ng maghapon, ay may mga pagulang tila nagpumiglas upang busugin ang lupang bumibiyak sa matinding sikat ng araw. Hindi gaanong malakas, pero sapat na upang madiligan ang natutuyuang lupa. Ang mga patak ng ulan, hindi man hinlalaki ng daliri, tamang-tama lang upang kahit papaano ang lupang nagbibiyakan na sa tindi ng panahon ay unti-unting nagkakaroon ng panibagong buhay at sigla. Tarah na sa Baguio, kayong mga abang kababayang tinutusta ng init sa maghapon at magdamag. Iba ang Baguio, bukod-tanging lungsod na kasiya-siya!

Amianan Balita Ngayon