TATLONG KATAO PATAY SA AMOK, SUSPEK NAGBARIL SA SARILI SA APAYAO

STA. MARCELA, Apayao – Nauwi sa kamatayan ang masayang inuman matapos pagbabarilin ang tatlong katao ng nagwalang suspek,na nagbaril din sa sarili noong gabi ng Agosto 29 sa Purok 2, Barangay Sipa, Sta Marcela,Apayao.
Ang napatay ay nakilalang sina Bong Badua Ramirez,48; Ryan Santi Soriano,39 at Edmar Turilla Aguinaldo,30,
samantalang ang sugatan ay si Stephen Jones Baysa Salvatiera,33, pawang magsasaka,may-asawa at residente ng nasabing lugar.

Kinilala ang suspek na si Norvie Pacheco Romerro, 32. Nakaligtas naman sa insidente sina Benjamin dela Cruz, 24;Frederick Manuel, 47 at Ericson Aguinaldo, 24. Ayon kay BGen.Mafelino Bazar, regional director ng Police Regional Office-Cordillera, lumitaw sa imbestigasyon ng Stat Marcela Municipal Police Station, ang mga biktima at suspek ay masayang nag-iinuman dakong alas 11:00 ng gabi sa bahay ni Manuel.

Sa hindi malamang dahilan, biglang naglabas ng baril ang suspek mula sa kanyang sling bag at pinagbabaril ang kanyang mga kainuman. Tinamaan sa ulo sina Ramirez, Soriano at Aguinaldo habang si Salvatiera ay tinamaan sa balikat. Mabilis na nakatakbo naman sina Dela Cruz,Manuel at Aguinaldo at nakapagtago sa di-kalayuan. Matapos barilin ang kanyang mga kainuman ay binaril ng suspek ang kanyang ulo na ikinamatay noon din.

Napag-alaman na dumating ang ama ng suspek na si Norberto Romerro sa pinangyarihan ng insidente at kinuha ang baril na ginamit ng kanyang anak sa pagpatay at mabilis umalis sa lugar. Sa mabilis na follow-operation ng pulisya ay natunton ito at narekober ang baril na Glock 17, Gen4 na may defaced serial number. Ayon kay Bazar, ang ama ng suspek ay sasampahan ng kasong obstruction of justice.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon