Ang pagiging isang highly urbanized city sa Pilipinas ay nangangahulugang nakararanas ang lungsod ng malaking paglago at pag-unlad na may isang konsentrasyon ng populasyon at aktibidad sa ekonomiya. Katangian ng mga lungsod na ito ang mabilis na urbanisasyon, na may malaking bahagi ng populasyon na naninirahan sa mga kalunsuran. Malimit nilang hinaharap ang mga hamon gaya ng pagsisikip, polusyon, at stress sa kapaligiran sanhi ng mataas na densidad ng populasyon at limitadong sukat ng lupa.
Gayunman, ang pagiging isang highly urbanized ay nagdadala rin ng mga oportunidad para sa paglago ng ekonomiya, paglikha ng mga trabaho, at inobasyon. May mahalagang papel ang mga lungsod na ito sa paggiya sa pangkalahatang pag-unlad ng bansa at pag-angat sa tao sa kahirapan. Sinisikap ng Lungsod ng Baguio na baguhin ang anyo at gawing isang Smart City ito na nakaayon sa estratehikong direksiyon na maging isang smart, green at sustainable city na may ultimong layunin na pahusayin ang kalunsurang kalidad ng buhay ng mga mamamayan dito.
Humaharap din ang Lungsod ng Baguio ng mga hamon sa pag-unlad na kailangang lutasin at malalaking problema ng kalunsuran na kailangang mapagtagumpayan gaya ng labis na populasyon, paggamit ng lupa, pamamahala sa basura at trapiko, polusyon sa hangin, mga pagguho, at pagbaha. Samatala ay binigyan ni Mayor Benjamin Magalong ang mga public utility companies ng tatlong-linggong ultimatum upang tapusin ang pagsasa-ayos ng kanilang mga kable na nagkalat at buhol-buhol sa buong lungsod.
Binigyan ang mga kompanyang ito simula Setyembre 4 upang ayusin ang kanilang mga cable system upang maalis ang mga panganib na dulot ng mga imprastrukturang ito na magusot at masakit sa mata. Higit sa masamang
tingnan ay nagiging sanhi pa ng panganib at aksidente ang mga nakatiwangwang at hindi naayos ng mga kable sa buhay ng tao at ari-arian. Panahon na upang bigyang-tuldok ang mga kapabayaan at pagtuturuan ng mga public
utility companies at mga kontraktor nila sa mga nagkalat at nakatiwangwang na pangit na tanawing “spaghetti wires” sa Baguio.
Primerang destinasyon ng turismo ang lungsod subalit kahit gaano man kaganda ang lugar kung may nakabuyangyang namang ganitong tanawin ay aakalain mong nasa malaking iskwater area ka. Bahid-dungis ito sa imahe ng lungsod na mabilis na namang umuukit ng pangalan sa buong mundo dahil sa taglay nitong likas na kagandahan at pagiging isa sa mga nangungunang pinipiling puntahan ng mga turista. Harinawa, matapos ang tatlong-linggong ultimatum na ibinigay sa kanila ay maayos nila ang dapat ayusin at kailangan ding tuparin ng pamahalaang lungsod ang pangako nitong pananagutin ang sinumang hindi makatugon sa direktiba.
Kaalinsabay siguro nito ay kinakailangan na rin siguro at napapanahon na upang bumuo ang konseho ng ordinansa
upang mapamahalaan ang pagkabit at paglalagay ng mga kable na naaayon na sa mithiin ng lungsod na maging tunay na Smart City ang Baguio at huwag nang padadala sa mga higanteng kompanyang ito. Magkaroon ng sistema sa pagkakabit at pagkukumpuni, dahil kung hindi, sa halip na pataas tayo ay baka pababa at pababa na naman tayo.
September 15, 2024
January 12, 2025
January 4, 2025
December 28, 2024
December 22, 2024
December 14, 2024