Tensiyon ulit sa Middle East!!!

Panibagong tensiyon na naman sa Middle East ang bumulaga sa buong mundo kamakailan. Di pa nagtatagal na ating ininda, bagama’t lamat na lamang ngayon ang giyera sa pagitan ng Amerika at Iraq hanggang sa mapatay ang kanilang lider.

Ang akala natin ay wala ng kasunod na gusot. Pero malaking kamalian dahil isang matinding hadlang sa kapayapaan sa gitnang silangan ang biglang pagsulpot ng isang balitang binomba raw ng Amerika ang isang paliparan kung saan namatay ang isang kinikilalang opisyal ng Iran na tinaturing na “Bayani” ng naturang bansa.

Nasawi riyan si Iranian General Qassem Soleimani. Natural lang na igaganti ito ng Iran, di ba? At ang masakit maaring lahat ng mga kaalyado ng Amerika ay pwedeng targetin ng naturang ganti.
******
Kamakailan lang…napatunayan ng mundo na talagang galit na nga ang Iran. Nagpakawala nga sila ng sunod-sunod na mga rockets at pinuntirya ang Al Asad Airbase sa Iraq na kinaroroonan ng ilang mga sundalong Amerikano.

Dahil dito, nasa pinakamataas na Alert Level 4 travel advisories na inilabas ng DFA. “Inatasan na po ni Pangulong Rodrigo Duterte ang iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan ng Pilipinas, kasama na po ang Embahada ng Pilipinas sa Iraq para ilikas ang mga Pilipino dito sa bansa,” ayon ito kay Philippine Charge’ d’ Affaire’s Jomar Sadie na ipinost sa official facebook account nito.

Dagdag pa niya: “Ang marching order sa amin ay mandatory repatriation”. Tsk tsk…malaking problema nga ito. Maraming OFWs ang apektadong mawawalan bigla ng hanapbuhay. Ang masaklap kung abutan pa sila ng matinding putukan (huwag naman sanang giyera). Kaya kung kami ang tatanungin…huwag nang magpatumpik-tumpik pa. Uwi na habang puwede pa.

Tanong: papano ang mga OFWs na ayaw talagang umuwi dahil sa gusto pang kumita para sa kanilang pamilyang umaasa? Mahirap sagutin ito, pards kasi nga kaya sila nagpunta sa malalayong bansa para sa kanilang pamilya tapos biglang mapuputol dahil sa hidwaan.

Papano na sila? Sabat naman ng iba: di na bale na maghihirap ulit sila basta’t buhay silang uuwi at makakapiling na ang kanilang mga pamilya. Say ninyo?
******
Bago nagpakawala ng rockets ang Iran sa isang airbase sa Iraq kung saan naroroon ang ilang sundalong Amerikano….may ulat na HINDI raw tayo magpapadala ng mga sundalo sa Iraq. Na ang ibig sabihin, hindi tayo tutulong sa Amerika sa kanilang giyera.

Sabagay, ano ba namang armas meron tayo upang tumulong sa mga high-tech na armas panggiyera ng Amerika pati na mga malalaking bansang kaalyado nila. Ni armas na pamuksa sa mga terorista sa ating bansa ay katawa-tawa daw dahil sabi ng iba…mas malalakas daw at high-tech ang gamit o armas ng mga kalabang terorista lalo na sa Mindanao.

Pero teka, pards…may ulat din ang Department of National Defense na sila’y nakahanda nang magpadala ng puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Iraq upang TUMULONG sa paglilikas ng mga Pilipino roon.

Hmmm…yon ang malinaw. Hindi upang makipaggiyera din kundi upang ilikas ang ating maiiipit na mga OFWs roon. “Hindi sila magpunta du’n para makipaglaban. Baka magkabiglaang magkaroon talaga ng crisis du’n eh, we have to go there immediately,” paglilinaw ni Defense Sec. Lorenzana. Handa na raw ang isang barkong panggiyera, mga eroplano at dalawang batalyon ng mga sundalo ang magiging bahagi ng “Humanitarian Mission”.

Iisa lang ang ating dalangin: sana huwag lumala ang tensiyong ito sa Middle East. Maawa naman kayo sa mundo! Adios mi amor, ciao, mabalos!

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon