Timbangan ng pulitika, kulang at sobra!

Sa wakas tapos na ang circus sa filing ng COC. Sabi nga ng Comelec wala ng extension kundi hintayin na lamang ang pinal na listahan sa Disyembre pagkatapos himayhimayin ang mga pangalan ng mga gustong maging Public Servant. Pero bakit sinasabi ng ilang observers na parang circus daw ang filing? Sige, timbangin natin ang lahat, mga pards, kung ito ba’y kulang o sobra.

**********

Saksi ang marami sa mga kaganapan sa nakalipas na mga araw ng COC filing. Nakatawag pansin ang eksena ni Sen. Juan Ponce Enrile. Totong marami ang nagulat kasi gusto pang manilbihan sa likod ng katotohanang siya’y 94 years
old na. Maryusep! Ganon na siya kabata? Yap, pards. 94 na siya pero sharp pa, sabi nila. Magaling kasing  mambabatas ito at marmol na ang moog na nagawa sa serbisyo publiko. May nagsabi pa nga na wala raw tumatanda sa serbisyo publiko, basta’t kaya pa at hindi pa ulyanin. Pero teka, pards, bakit sa kanyang propesyon, nailagay ang businesswoman sa halip na businessman. He he, kasalanan yan ng ulyanin niyang abogado na siyang nagsadya sa Comelec para i-file ang COC ng senador. Kaya personal nang nagsadya si Mang Johnny upang ito’y ituwid. Mabuhay ka Apo Johnny!

********* Isa ring eksena sa circus ng filing kahit pa tumapik na ang Comelec na huwag namang gawing larolaro
o katuwaan ang sagradong araw ng pagpipila ng kandidatura. Ito ay ang isang hari diumano ng Mindanao na
gustong palitan ang pangalan ng ating bansa. Maryusep a babassit ken dadakkel! San ba daw galing yan? Baka hulog
ng Mars, pards, joke. Meron ding naging nobya pa raw ni Kris Aquino at jowa raw ni Mocha Uson. Mariakusina a
narsuod! Buti na lamang walang nag-file na naging nobyo noon ni Teodora Alonso o kaya ay naging kaagaw noon
ni Josephine sa buhay ni Dr. Jose Rizal. He he, makakasakal ka nga ng tao pag nagkataon. Buti na lamang malamig ang ulo ng mga taga-Comelec. Katungkulan nilang tanggapin lahat ng mga nai-file na kandidatura ngunit karapatan
naman nilang salain ito, kaliskisan at upakan, este, alisin ang mga di karapat-dapat. Tapik: sana ang gagamiting
timbangan ay tama at hindi kulang-kulang o sobra-sobra.

*********

Mula Luzon hanggang Mindanao, maraming magkakamag-anak ang magkakalaban sa darating na eleksiyon. May magkapatid na ayaw magbigayan (Binay at Estrada) at marami pa sa parteng Ilokandia. Ang tanong: totoo bang sa larangan ng pulitika, pati magkakadugo, magiging magkakaaway? Siyento porsiyentong totoo yan pards. May mga
nagpapatayan pa nga eh! Pero sandali lang, bakit? Ano bang meron sa pulitika? Pera, posisyon, impluwensiya at
sandamakmak na demonyo upang lumubo ang iyong bulsa hindi pangalan. Pwe! Buti na lamang meron pa ring mga
mangilan-ngilan na maituturing nating tunay na Public Servants. May kasabihan nga: kung gusto mong parusahan
ang isang tao, itulak mong pumasok sa pulitika. Patay!

**********

Ayon sa Comelec, sobra sa inaasahan ang dami ng mga nag-file ng COC para sa 2019 midtern election. Kung hindi
makaliskisang maigi, baka dipadipa ang haba ng ating balotang gagamitin sa botohan. Dalangin: sa Timbangan ng
pagsasala, sana’y walang sablay. Kutohang maigi. Alisin ang mga di dapat at mga matitino lang at tunay ang
hangaring manilbihan ang kabigin. At sa puntong ito, nais naming tumapik sa ating kababayan: ito uli ang
panahong marami ang magiging mapagsamantala. Yan ang mga taong matagal ng naglalaway upang manakmal ng yaman sa illegal na paraan. Sa mga kandidato at botante, ingatan ang kasagraduhan ng serbisyo publiko. Huwag
babuyin! Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon