Tingnan ng mas malawak at malinaw ang batas at epektibong ipatupad ito

Umani ng maraming batikos, puna at mga galit at nakakainsultong mga posts ng mga netizen sa social media laban sa bagong batas na Motorcycle Crime Prevention Act sa ilalim ng Republic Act 11235 na kapipirma lang ng Pangulong Duterte.
Nagdulot ito ng pagkukunot-noo ng publikong mananakay at karamihan ng mga nagmamaneho ng motorsiklo ay nagulat sa hakbang ng Pangulo na isa rin daw mahilig sa motorsiklo.
Pakiwari nila ay napagtaksilan sila ng ilang senador na kilala ring mga motorcycle enthusiasts subalit pumabor sa pagpasa ng nasabing batas.
Sa RA 11235, kung ang isang motorsiklo ay ginamit sa isang krimen at napatunayan ang mabigat na kasalanan sa ilalim ng Revised Penal Code o tumakas mula sa lugar ng krimen, ang may-ari, driver, backrider o pasahero ay mapapatawan ng reclusion temporal (pagkakakulong ng 12 taon at isang araw hanggang 20 taon) o reclusion perpetua (pagkakakulong ng anim taon at isang araw hanggang 30 taon).
Kung ang isang motorsiklo ay ginamit sa isang krimen na may mas mababang kasalanan ay mapaparusahan ang may-sala ng prision correcional (kulong na anim na buwan at isang araw hanggang anim na taon) o prision mayor (kulong na anim na taon at isang araw hanggang 12 taon).
Ang isang tao na nagmamaneho ng motorsiklo na walang plaka o isang nababasang number plate ay mapaparusahan ng prision correctional o multa ng hindi bababa sa PhP50,000 ngunit hindi hihigit sa PhP100,000 o pareho.
Sa ilalim ng batas na nilagdaan ng Pangulo noong Marso 8 subalit naisapubliko lamang noong Marso 14 ay iniuutos sa Land Transportation Office (LTO) na mag-isyu ng “mas malaki, mas nababasa at color-coded na number plates na ilalagay sa harap at likod ng bawat isang motorsiklo.
Ang mga plakang ito ay dapat nababasa ng klaro mula harap, likod at tagiliran ng motorsiklo sa layong kahit 15 metro.
Ipapatupad din ng LTO ang isang color scheme ng mga plaka para sa bawat rehiyon para sa mabilis at madaling pagkakakilanlan ng mga law enforcement units.
Subalit kahit pa daw sa mga unang yugto ng isyung ito habang tinatalakay sa Kongreso ay mariin nang tinututulan ng mga rider groups at maging mga manufacturer ng motorsiklo ang pagkabit ng mas malaking plaka sa harap dahil sa rason ng kaligtasan, at ginawa pang dalawang malalaking plaka ang ilalagay.
Inihayag ng mga grupo ng mananakay ng motorsiklo kung bakit tinututulan nila ang bagong batas, una dito ay ang diumano’y walang ginawang konsultasyon ang gobyerno sa mga motorcycle organization hinggil sa nasabing isyu; nanganganib ang kaligtasan ng mga mananakay ng motorsiklo, mga mananakay, pedestrians, at iba pang gumagamit ng daan dahil sa pagkabit ng malaking plaka sa harap ng motorsiklo na hindi naman nakadisenyo para sa maliit na espasyo ng motorsiklo.
Ang pagkakaroon ng dalawang malalaking plaka ay hindi katiyakang tatapusin ang krimen sa daan dahil lamang sa kaunti lamang ang nahuhuli o nakukulong dahil sa mahina at mabagal na sistema ng hustisya o walang police visibility.
May suhestiyon din na sa halip na metal plates ang ilagay sa harap ay gamitin na lamang ang sticker, decal o Radio Frequency Identification (RFID).
Ang motorsiklo ay naging pinakamaginhawang uri ng pansariling transportasyon para sa maraming Pilipino dahil sa kaliitan nito at madaling imaniobra sa makikitid na daan at sobrang sikip na trapiko.
Ayon sa taunang ulat ng LTO noong 2016 ay may 1,425,956 bagong motorsiklo na may sidecar ang nairehsitro at 2,707,349 ang na-renew. 146,366 bagong motorsiklo na may sidecar ang nerehistro at 1,042,852 na walang sidecar ang na-renew.
Sa ulat naman ng Motorcycle Development Program Participants Association (MDPPA) ay nakapagtala ng taunang pagtaas ng benta ng motorsiklo na 16% noong 2017na umabot sa 1,319,084 units.
Ayon pa rin sa kanila, dahil sa pagkagusto ng mga Pilipino sa dalawang-gulong na sasakyan ay layong lagpasan ang bansang Thailand sa benta sa taong 2020 na aabot sa 2.5 milyon yunit na benta at kung nangyari ito ay Pilipinas na ang pangalawa sa may pinakamaraming motorsiklo sa daan sa buong Southeast Asia sunod sa Indonesia.
Ang RA 11235 ay inaprubahan dahil daw sa harap ng hit-and-run assassinations, riding-intandem, at iba pang krimen na kinasasangkutan ng mga kriminal na nakasakay sa motorsiklo.
Ang pagkabit ba ng mas malaking plaka sa mga motorsiklo ay katiyakan na mapapababa na o tuwirang maaalis na ang mga krimeng gamit ang isang motorsiklo?
Marami ng batas ukol dito, hindi kaya mas mabuting tingnan ng mas malawak, mas malinaw at paigtingin ang mahusay at epektibong pagpapatupad ng mga batas na ito sa halip na bigyan ng panibagong bigat ang mga mananakay ng motorsiklo?
Ilang ulit man baguhin ang mga plaka ay tila wala ring silbi dahil napakadali ring palitan ng mga kriminal ang mga ito – ang mga kriminal ang dapat baguhin at hindi ang mga plaka.
 
PMCJr

Amianan Balita Ngayon