May ilang problema na patuloy na nagpapahirap sa sistema sa pangangalaga ng kalusugan sa Pilipinas. Nandiyan ang napakamahal na presyo ng mga branded na gamot na 22 beses mas mataas kaysa sa international reference prices habang ang generic drugs ay 4 na beses na mas mataas. Sa kabila ng mga pagpapababa ng presyo sa pamamagitan ng mga batas gaya ng Cheaper Medicines Act of 2008, gayundin ang Generics Act of 1988 ay hindi pa rin nakakaya ng mga karaniwang Pilipino.
Ang access sa mga medisina at alaga mula sa mga doktor at iba pang mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan ay lalong mas mahirap para sa liblib at kapos-palad na mga lugar kung saan ang mga tao ay walang kakayahang pisikal at pinansiyal. Ang tradisyonal na medisinang Pilipino, kung saan ang halamang gamot o herbal medicine ay may isang malaking papel ay andiyan na sa loob ng maraming siglo at lubos na tinatanggap sa mga kanayunan.
Ang pagpapatibay sa paggamit ng mga tradisyonal na halamang gamot na ito sa pamamagitan ng pagsasaliksik ay mahalaga upang sa ganun ay magkaroon ng paggamit at pagtangkilik sa halamang gamot na nakabase sa ebidensiya. Ang mga pananaliksik ay dapat tumutok sa paglilinang ng ligtas at mabisa, gayundin mas murang halamang gamot ng Pilipinas. Ang ating mga halamang gamot ay mahalaga ngunit kalimitang hindi pinapansin na kayamanan na may di-mabilang na mga aplikasyon para sa mga hindi nakakahawa at nakakahawang indikasyon ng sakit.
Ang limitadong pananaliksik sa larangang ito ay matagal ng ginagawa sa bansa at nagkaroon ng suporta sa kilusang ito sa pagpasa ng Traditional and Alternative Medicine Act of 1997 na pinagtibay ang pangako ng gobyerno sa suporta at pagpapaunlad ng tradisyonal na medisina kabilang ang halamang gamot. Isa pang pampasiglang tulong ay ang pag-endorso ng Department of Health sa “Sampung Halamang Gamot” noong 1990’s at ang adbokasya ng World Health Organization na isama ang tradisyonal na medisina sa national health care systems at hinimok ang mga gobyerno na paunlarin at ipatupad ang mga polisiya at programa dito lalo na sa Universal Health Coverage.
Mayroon na tayong gamot na mula sa lagundi na para sa ubo at asthma, sambong bilang diuretic at panlunas sa urolithiasis, Tsaang gubat para sa gastrointestinal at biliary colic, Akapulko lotion para sa cutaneous fungal infections, Yerba Buena bilang isang analgesic, Ulasimang baro na panlunas sa gout at hyperucemia. Nagawa rin ang amplaya bilang pampababa ng glucose. Ang Lagundi at Sambong ay isinama na sa clinical practice ng mga doktor sa Pilipinas lalon na ng mga espesiyalista. Naging kapuwa matagumpay ang mga ito sa siyentipiko at komersiyal, kung saan ang produksiyon bito ay nakaambag sa kita at paglago ng industriya ng parmasya sa Pilipinas, gayundin napaganda ang kalagayang pang-ekonomniya ng mga magsasaka sa ganitong uri ng mga tanim.
Bilang suporta ay idineklra ng Baguio City Council ang Marso 27 hanggang Abril 1 bilang “Wellness, Longevity Week” sa lungsod ng Baguio. Sa ilalaim ng Resolution No. 142, series of 2023 ay sinabi ng mga mambabatas na ang nakalinyang mga aktibidad sa nasabing panahon ay palalakasin ang pisikal at mental na kagallingan ng mga tao sa tradisyonal at alternatibong paraan. Idinagdag pa ng konseho na ang isang-linggong pangyayari ay magpapataas sa kamalayan sa pagkalehitimo at bisa ng mga halamang gamot at mga tradisyonal na pamamaraan na nagsusulong sa kagalingan at mahabang buhay.
Ang paglinang ng mas marami pang halamang gamot na kailangan para sa pangunahing pangangalaga sa kalusugan ay makakabawas sa ating pagdepende sa importasyon ng mga gamot, at taasan ang kahandaan ng mga gamot kahit pa sa liblib at malalayong lugar sa bansa. Maganda ring ibalik ang mga taniman ng halamang gamot sa mga barangay sa mga kanayunang komunidad na makakatulong sa pagpapalakas sa mamamayan. Ang integrasyon ng mga halamang gamot sa pangunahing gamutan at kalakalan ay posible lamang kung ang mga isinagawang pananaliksik, sa parehong klinikal at hindi klinikal ay kasing lakas gaya ng sa sintetikong mga medisina na may lubos na tulong ng gobyerno at mga may kinalamang sektor tungo sa iisang aghikain – mura at mabisang mga gamot na abot-kaya ng bawat isang Pilipino.
March 25, 2023
September 29, 2024
September 20, 2024
September 13, 2024
August 31, 2024
August 24, 2024