Traffic enforcer, nahagip ng truck; 5 pang sasakyan, inararo

Nahagip ang isang traffic enforcer at lima pang sasakyan ang inararo ng isang truck bandang 10:30am ng Nobyembre 7, 2018 sa kahabaan ng Buhagan Road, Baguio City.
Kinilala ang biktima na si PO2 Nelson Aspilan Socayen, 32, kasalukuyang nakatalaga sa Traffic Management Unit, BCPO at residente ng Camp 8 Bontoc Village, Baguio City.
Sa imbestigasyon, papunta sa direksiyon ng Lower Magsaysay Avenue ang Fuso Aluminum van truck na may plakang AFA-7412 at minamaneho ni Robert Alcomera Bumadilla, 37, residente ng Sitio Batasan Floodway, Taytay, Rizal, mula sa Upper Buhagan Road nang mawalan ito ng preno.
Sinubukan ng drayber na iwasan ang iba pang sasakyan subalit lumiko ang sasakyan sa kanang bahagi ng outer lane at nabunggo ang Honda 125 Motorcycle na may plakang DA-33881 na minamaneho ni PO2 Socayen.
Matapos ang banggaan, patuloy pa rin ang pagsulong ng truck at nabunggo ang limang iba pang sasakyan.
Nagtamo si Socayen ng pinsala sa kaniyang kaliwang hita at kanang kamay at dinala sa Pines City Doctor’s Hospital para sa agarang lunas habang hindi pa malaman ang halaga ng pinsala sa ibang sasakyan.
Kinumpiska ng mga rumespondeng traffic investigators ang driver’s licenses ng mga drayber na sangkot at OR/CR ng sasakyan para sa evidentiary purposes. Ang kaso ay sasailalim pa sa imbestigasyon.

Amianan Balita Ngayon