TRAIN, aabot kaya sa totoong destinasyon?

Mayroon nang umaapaw na sentimiyento na nagdurusa na ang mga “minimum wage earners” mula sa sabay-sabay na epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, inflation sa basic commodities at mga serbisyo, at lahat ng ito ay isinisisi sa sama-samang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Dahil dito ay lumalakas na ang panawagan na suspindihin na ang excise tax sa mga produktong petrolyo na nagbunsod ng biglaang pagtaas sa presyo ng basic commodities at mga serbisyo, o kaya’y itigil na ang TRAIN.
Hinihikayat din ang  mga ahensiya ng gobyerno na agad ipatupad ang social welfare and benefits program ng TRAIN Law partikular ang mga nakasaad sa Section 82. Sa ilalim ng Section 82, ang mga jeepney franchise holders ay dapat tumanggap ng fuel vouchers; ang mga minimum-wage earners at mga pinakamahihirap na 50 porsiyento ng populasyon ay kuwalipikado sa diskuwento sa pamasahe, diskuwento sa bigas at  libreng skills training, habang ang 10 milyon sambahayang kumikita ng mababa ay tatanggap ng P200 kada buwan sa taong ito at P300 kada buwan sa 2019 at 2022. Sana daw kung gaano kabilis ipinasa ang TRAIN law ay dapat lang na agaran ang implementasyon ng mga hakbang upang maibsan ang epekto ng batas na dinisenyo para sa mga pinakamahihirap sa mahihirap. Ang social welfare at benefits program ay napakahalagang bahagi sa implementasyon ng TRAIN, kaya kapag wala ito ay mas lalong makakasakit ang TRAIN kaysa makabuti.
Ayon naman sa mga economic manager ng gobyerno, ang  pagsuspinde at paggamit ng ibang panandaliang solusyon ay magkakaroon lamang ng maliit at panandaliang epekto sa inflation na makakasagabal at makakaantala sa pag-unlad ng bansa tungo sa pagiging isang “upper-middle-income country” sa 2019 kung saan nasa halos 6 milyon Pilipino ang maaahon sa kahirapan sa taong 2022.
Ipinipilit ng gobyerno na ang TRAIN ay importante sa ambisyosong  “Build, Build, Build Program” ng gobyerno kung saan makakalikha ng mahigit isang milyon trabaho sa mga Pilipino hanggang 2022 habang binabawasan ang logistics costs sa mga negosyo lalo na sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) na karamihan ay nasa mga probinsiya.
Samantala ay naipila na sa kongreso ang Package 2 ng TRAIN Law na nakatutok sa pamumuhunan na kung saan unti-unting ibaba ang corporate tax sa 25% mula 30% at babawasan ang mga insentibo ng mga namumuhunan. Muli ay pinangangambahan ng ilan ang negatibong epekto nito sa mga “foreign investor”. Sa Package 2 din daw ibibigay ni Pangulong Duterte ang dagdag sahod ng mga guro.
Sa kabuuan ay nagkaroon ng oportunidad sa unang pakete ng TRAIN na itama ang maraming problema na matagal ng sakit ng ating tax system. Ang reporma sa pagbubuwis ay hindi lamang isang oportunidad upang magkaroon ng mas episiyenteng ekonomiya, pagkakataon din ito na magkaroon ng mas mabuting lipunan – kahit kaunti lang. Masaklap tanggapin na sa bagong pagbubuwis sa ilalim ng TRAIN ay bumababa ang iniuuwing kita ng mahihirap. Sa kakulangan ng sapat na subsidiya ay lalabas na sa bagong batas sa pagbubuwis ay maaaring mas lalong masaktan ang mga mahihirap kaysa mapabuti ang kanilang kalagayan.
Ngayong tumakbo na ang TRAIN, sana ay makarating sa mga kaukulang benepisaryo ang mga benepisyo, sana ay magiging sapat ang ayuda sa mahihirap at makaabot ito sa totoong destinasyon at hindi madiskaril.      PMCJr.

Amianan Balita Ngayon