“Trust and Confidence” – mahalaga

Editorial

Sa madugo at patuloy na giyera ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa paglipana ng mga iligal na droga at kalakalan nito na mag-aapat na taon na mula ng ipinangako niya sa umpisa ng kaniyang termino tatapusin ang problema sa loob ng tatlong buwan ay tila malayo sa katotohanan.

Ang araw-araw na balita ng paghuli, na may namamatay na sangkot sa iligal na droga, manaka-nakang pagkadiskubre ng malalaking bulto ng droga ay nagpapakita lamang na tila walang katapusan ang problema sa droga at sa paningin ng iba ay parang lumalala pa.

Wala namang duda ang pagpupursige ng gobyerno at mga ahensiya na labanan ang problema sa droga at sa kabila ng mga hakbang, mga programa at pinabagong sistema sa mga operasyon ay hindi pa rin maiwasang mabatikos, mapuna at pagdudahan ito ng ilang oposisyon, mga grupong kontra patayan at nagtataguyod ng karapatang pantao dito at sa ibang bansa.

Sa wala ring humpay na puna at batikos ni Vice President Leni Robredo sa sistema ng kampanya ng gobyerno Duterte laban sa droga ay “napilitan”, “nakulitan” ang Pangulo at hinamon si Robredo na pangunahan ang laban at inatasan siyang maging “co-chairman” ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) kahit pa sinabi nitong wala siyang tiwala sa Pangalawang Pangulo. Tinanggap ni VP Robredo ang hamon sa kabila ng pagtutol, agam-agam at payo ng mga kapartido at kapanalig nito na baka ito ay isang patibong at gawin lamang siyang panakip-butas sa umano’y “kapalpakan” ng kampanya.

Unang araw pa lamang ni VP Robredo bilang co-chairman ng ICAD ay nakipagpulong na siya sa iba’t-ibang ahensiya, mga grupong lokal at mga banyaga partikular sa US at UN na ikinairita ni Pangulong Duterte dahil sa panghihimasok umano ng mga banyaga sa “domestic problem” natin. Wala pang isang buwan na umiinit sa upuan si Robredo ay “sinibak” na siya sa puwesto. Kung gaano kadaling nagdesisyon si Duterte na bigyan ng posisyon si Robredo ay kisap-matang agad din siyang “sinipa” sa puwesto dahil sa kawalan niya ng “tiwala” dito dahil baka
makompromiso ang mahahalagang detalye at impormasyon nauukol sa kampanya.

Sa kabilang banda ay inamin ng PNP at PDEA a wala namang masamang ginawa ang Pangalawang Pangulo bagkus ay sinabi nilang malaking tulong sana ang mga panukala at ilang pagbabago na nais ipatupad ni VP Leni sa operasyon at kampanya, subalit ang huling hatol ay sa Pangulo pa rin.

Ang pagkakatalaga kay VP Robredo bilang co-chairman ng ICAD ay magandang senyales sana ng pag-kakaisa at kooperasyon laban sa iisang adhikain bagama’t magkaibayo sa partido at politikal na paniniwala. Kung ang tanging dahilan ni Pangulong Duterte sa pagsipa kay Robredo ay kawalan ng tiwala at kumpiyansa ay wala na tayong magagawa doon, ngunit sa una pa lang sana ay hindi na niya inisip man lang na atasan ito at sisibakin din agad.

Madaling tinanggap ni VP Robredo ang pagkasibak sa kaniya (na inaasahan naman daw) ngunit nangako itong ipagpapatuloy daw “ang laban”. Kahit pa wala siya sa posisyon ay babantayan at babatikusin ang kampanya kung kinakailangan.

Sabagay ngayon pang nakipag-usap na siya sa US at UN ay malakas na ang loob ni Robredo na may makakatulong na siya sa kaniyang “laban.” Ang tanong ay may “tiwala at kumpiyansa” rin kaya ang mga ito sa kaniya? At kung meron, may dapat na bang pangambahan si Pangulong Rodrigo Duterte?