TULAK NG DROGA SA CITY JAIL, NATIMBOG

Headlines

BAGUIO CITY – Natimbog sa buy-bust operation ng Baguio City Police Office, ang suspek na nagdala ng “shadobo” para sa kontak nito sa loob ng city jail, matapos mabuking ng mga alertong guwardiya noong Pebrero 12.

Nabatid kay BCPO Director Allen Rae Co, nalambat ng kanyang mga tauhan ang High Value Individual (HVI) na si Jhon Raymond Carino Pinto, na may alyas na Michael Aldawood, ng Brookside, Baguio City.

Ayon kay Co, si Pinto ang suspek na nagdala ng shabu na itinago sa adobo para sa kanyang kontak sa loob ng Baguio City Jail, gamit ang pangalang Michael Aldawood. Dahil bawal na makapasok ang sinumang dalaw sa loob mismo ng city jail ay may booth sa gate na kung sinuman ang magpapadala ay iiwan ito at saka ibibigay sa preso. Nang sisiyasatin na ng jail guard ang padala, ay biglang kumiripas ito ng takbo, kaya’t kinalkal ang pagkain at nakita ang mga paketeng shabu na nagkakahalagang P136,000.  “Nakita sa CCTV ang suspek, kaya agad nagsagawa ng imbestigasyon an gating mga tauhan para kilalanin ang suspek,hanggang maisagawa ang deal at buy-bust operation,” pahayag ni Co.

Aniya, nagpa-kalbo pa ang suspek para hindi makilala na siya ang nagdalang “shadobo” sa city jail.

Magkasanib na operatiba ng DEU, CIU, MPU, Station 7, Station6, RECU-CAR at RACU-CAR ang nagsagawa ng buy-bust operation na nag-resulta sa pagkakadakip ng suspek, maapos magbenta ng 5 gramo ng shabu na may halagang P18,500 sa poseur buyer. Nakuha pa ng mga operatiba ang dalawa pang sachet na may timbang na 1 gram with DDB value of P6,800, cellphone at buy-bust money na hawak nito.

Zaldy Comanda/ABN