Tuloy ang Laban

ANG MGA IMAHENG NAKIKITA NITONG HULING mga araw ay patunay na ang laban ay patuloy na isasagawa, anuman man ang mangyari maisalba lamang ang milyon-milyong mga kababayan na buhay at kabuhayan ang iniaalay, masugpo lamang ang kalaban.

Ang tinutukoy natin ay hindi ang tila papahina ng pwersa ng covid-19, na lampas dalawang taong namayagpag, kumitil ng buhay, nagpabagsak sa kabuhayan, at ngayon nga ay pasinghap-singhap na lamang ang pananatili sa lampas – lupang pinamamahayan.

Ang paglusob ng isang higanteng bansa ang ating binibigyang pansin, ng may kasamang awa, sa kalunoslunos na sitwasyon sa Ukraine. Maigting ang mga labanan na physical combat, ngunit tila hindi alintana ang lakas ng pwersang sumusugod, dala ang mga tangkeng  nagpapakanyon ng dagundong ng bombang ni hindi ginamit sa mga nagdaang taon.

Nakakahinagpis ang ginagawang pagharap ng mga sibilyan upang harangin ang pagdaan ng mga tangke. Nakakabingi ang kanilang pagdaing, “Umuwi na kayo sa inyong bayan,” ani ng mga sibilyang taas ang dalawang kamay na tanda ng kanilang armas laban sa mga makabagong ripple ng mga Ruso.

Ngunit, sa kabila ng ga-daigdig na pag-kondena sa Russia, sa kabila ng pagwalk out ng halos lahat ng delegadong tumindig, habang ang Russian Ambassador ay nagkakanda pilipit sa pagpapaliwanag ng kasinungalingan, sa kabila ng malawakang protesta sa iba’t ibang lugar sa buong mundo, mahirap man o mayaman, nakakagilalas ang pahayag ng isang umaastang Pangulo, “Huwag tayong maki-alam sa labanang Russia at Ukraine.”

Tila hindi alam na ang Pinas ay nakihanay na sa mga miyembro ng United Nations upang sama-samang ikondena ang paglusob na walang basehan. Paano na, bayan, kung ganito ang aastang lider ng bansa na tila basag na kawale ang atensyong ibibigay sa namumuong World War III?

Kaya naman, balikan na lang natin ang magandang balita na nasa AL1 na ang Baguio sa laban kontra covid-19. Mula Marso 1-15, halos libre na ulit ang paggalaw, at hindi na gaanong lilimitahan ang dami ng mga mananakay. Ang mga negosyong hindi man lamang nakalasap ng kahit konting laya, ayan sila, mabilis pa sa alas kuwatro ang pagbubukas, mga ngiti ng kawani abot-tenga ang lawak, dahil makakabawi na sila sa mga nawalang kabuhayan at kinikita buwan-buwan.

Nagmistula ngang tapos na ang laban kontra pandemya. Kabi-kabila ang mga pagdagsa ng taong matagal ding ginapos ng kaba, takot, at pagkabahala. Libre na ulit, kayat tigil na ang laban? Dito namumuryot an gating Mayor Benjie, sa mga sitwasyon na biglang bumulusok ang mga kasong nabibilang na lamang sa pinagsamang kamao. Oo nga at AL1 tayo, pero baka naman larga na ang tao sa pasyal, sa pagtaliwas sa mga health protocol, tanggal na ang mga face mask, dikit-dikit na naman ang mga social gathering.

Dapat naman, sabi ni Yorme natin, na huwag pa ring maging kampante at huwag na ituring na wala na si covid. Bawat isa ay magkusa ng sundin ang mga bagay na pang-iwas upang makahawa o mahawa. Si covid ay nandyan pa rin, aali-aligid, at handing salakayin ang anumang katawang nagpawalang-bahala sa kanyang kaligtasan.

At sa mga hindi pa bakunado ng kahit isang dosage man lamang, dahil sa maling paniniwala, tuloy pa rin ang bakunahan. Malayo ang agwat ng mga bakunado sa mga nakapag-booster shot na. Iba talaga ang bakunado na, boosted ka pa.

O, pare at mare, isama na rin ang mga tsikiting edad 5-16, sabay-sabay na kayong magpaturok. Sayang naman ang buhay na sa isang iglap, dahil walang proteksyong dulot ng bakuna, ay maglaho, at ang katawang nasawi ay hindi man lamang mapaglamayan.

Ngayong nasa AL1 na ang Baguio, huwag ng magpatumpik-tumpik pa. Angat. Dapat.Lahat. Dyan tayo aasenso, dyan tayo makalalaya sa takot, pangamba at pagaaalala ng walang puknat.

Amianan Balita Ngayon