“Tumitindi na ang dumi ng pulitika sa La Union”

Bago pa man April Fools Day, may ginawang nararapat imbestigahan ng pamunuan ng Criminal Investigation and Detection sa Agoo, La Union.

Ginulantang ang pamilya ni Marianito Balderas sa barangay San Miguel, Agoo ng alas 7 ng umaga noong Marso 22, 2022 nang i-raid sila ng mga kagawad ng CIDG-La Union na naghahanap umano ng mga armas sa bisa ng Search Warrant na ibinaba ng Regional Trial Court Executive Judge ng Bauang, La Union.

Sa ulat ng CIDG-La Union, walang nakitang mga armas na ibinibintang na nasa pagiingat ni Balderas.

Ngunit isang di kanais-nais na pangyayari ang nasaksihan at nakunan pa ng video ng anak ni Balderas. Binalak ng raiding team na magtanim ng bala at isang revolver upang idiin si Balderas. Si Balderas ay isang boluntaryong nakikibahagi sa kampanya ng isang tumatakbong kongresista sa pangalawang distrito ng La Union.

Ngunit dati siyang bahagi sa kabilang kampo. Kung ano ang puno’t dulo ng balaking pagdidiin sana kay Balderas at sino ang nasa likod nito ay malaki pang misteryo. Ngunit ang malinaw, ay ang dokumentadong maitim na balak ng mga CIDG na magtanim ng ebidensya sa kanya.

Madaling ipagsawalangbahala ng pamunuan ng CIDG at Philippine National Police ang pangyayari bilang isolated case. Ngunit ang isang isolated case gaya ng nangyari sa bahay ni Balderas ay isang buhay na alaala na ni kahit kailan ay hindi mabubura sa isipan ng mga saksi sa kabalbalan ng ilang tiwaling mga alagad ng batas.

Nanawagan ang pamilya Balderas sa PNP na imbistigahan at panagutin ang mga nasasangkot na kagawad ng CIDG upang hindi pamarisan ng mga kabaro nila ang kanilang gawain.

Hindi ba’t mahigpit ang tagubilin ng pamunuan ng PNP na bawal magpagamit sa pulitiko ang mga pulis?

Amianan Balita Ngayon