Turismo sa bagong normal, kailangan sumabay upang mabuhay

Hindi maikakaila na ang turismo ang isa sa may pinakamalaking ambag na sektor sa masiglang takbo ng ekonomiya ng lungsod ng Baguio at malaking pera din ang naisusubi nito sa kaban ng lungsod. Nitong nakaraang taon ay tinatayang nasa 1.7 milyon ang naitalang bilang ng turista na umakyat sa lungsod.

Ayon sa City Tourism Office ay nakakapagtala ang lungsod ng pinakamaraming bilang ng turista sa mga buwan ng Abril at Mayo na nasa average na 100,00 bawat buwan, wala pa rito ang mga “daytime tourists” at tumutuloy sa mga hindi-rehistrado at hindi namomonitor na mga establisimiyento. Sumusunod ang buwan ng Disyembre kung saan may natural na lamig ng panahon habang ikatlo ang buwan ng Pebrero kung kalian idinadaos ang Baguio Flower Festival.

Dahil sa pagtama ng pandemya sa COVID-19 na nagsimula ng Pebrero ng taong ito at kalauna’y inilagay ang buong Luzon kabilang ang Baguio sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) at lockdowns ay lubhang naapektuhan ang turismo sa lungsod dahil sa hindi na maaaring maglakbay at lumabas ng bahay ang mga tao. Dahil sa pandemya ay nakansela ang Panagbenga at iba pang mga aktibidad na taunang umaakit sa mga turista na nagpababa sa pagdating ng mga turista sa halos 81 porsiyento noong Pebrero.

Sa datos ng Tourism Office ng lungsod ay hindi naabot ng lungsod ang 540,000 domestic tourist arrivals sa taong ito na base sa mga dumating na bisitang naitala ng 299 hotels noong 2019. Ang kawalan ng mga turista sa mga buwan ng Abril at Mayo ay nasa PhP1.7 bilyon ang nawala sa lungsod.

Sa loob ng mahigit na apat na buwan na hindi naging normal ang galaw ng buong mundo kung saan natigil ang takbo ng ekonomiya – sarado ang mga negosyo at marami ang natigil at nawalan ng trabaho, gayundin ay naparalisa ang transportasyon ay untiunti ng nasasaid ang kabang-yaman ng gobyerno dahil sa puro palabas at wala pang papasok na pera dahil sa pandemya. Upang hindi lumala ang sitwasyon ay minabuti ng pamahalaan na luwagan na ang pinapairal ng community quarantine sa ilang piling lugar alinsunod sa gabay ng Inter-Agency Task Force on emerging infectious disease at kahit papaano ay makausad ang ekonomiya sa ilalim ng mga limitadong paggalaw.

Sa lungsod ng Baguio na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) kung saan ang turismo ang pangunahing pinagmumulan ng kita ay tinitingnan na buksan na ang turismo sa Setyembre. Ayon sa mga opisyal ay unti-unting bubuksan ang mga hangganan ng lungsod sa mga turista sa limitadong bilang lamang ng mga turista. Gagawa sila ng sistema kung saan kailangang magrehistro muna ang mga turista bago payagang makapasok sa lungsod, na kung umabot na sa limit ang bilang ay kailangang pumili ng ibang araw na makakapasok ang mga bisitang nagparehistro.

Tiyak na hati ang magiging pananaw ng mga tao sa desisyong ito ng mga opisyal ng lungsod dahil sa hindi pa sigurado at walang nakatitiyak kung ligtas na ba tayo sa COVID-19 sa panahong iyon o hindi pa – dahil sa maaaring tumama pa sa atin ang susunod na daluyong ng mga kaso. May mga matutuwa rin dahil sa wakas ay makakalabas na rin sila sa mga bahay at makakapamasyal na rin na hindi nagawa sa apat na buwan dahil sa mistulang pagkakakulong sanhi ng pandemya.

Pero kailangan ding umusad ang ekonomiya ng lungsod at ang turismo ang siyang pangunahing nakikitang unang muling magpapasigla nito kahit pa may mga banta pa rin at walang kasiguruhan. Marahil ay kailangang paghusayin pa ng lungsod ang mga pamamaraan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit at marahil ay kinakailangan na rin nating matuto at sumabay sa bagong normal na pamumuhay kasama ang banta ng COVID-19 maipagpatuloy lamang ang buhay.

Amianan Balita Ngayon