Turkish, biktima ng estafa, extortion at pagbabanta

Isang Turkish national ang nagreklamo laban sa dating Pilipinang kasintahan at kamag-anak nito dahil sa diumano’y estafa, extortion at pagbabanta nito sa dayuhan.
Inireklamo ni Musa Kaya, 36, isang Turkish national at agriculturist, sina Jacqueline Tersenio Orduna na dati niyang kasintahan at Mishael Orduna Villanueva sa BCPO Station3 noong Oktubre 26, 2017.
Ayon sa imbestigasyon ay nangyari ang nasabing insidente noong Hulyo 2016 at umaga ng Oktubre 25, 2017 na kung saan ay pinagbantaan at nangikil ng pera ang mga suspek sa biktima kapalit ng pagbabalik ng kaniyang passport. Sa salaysay ng biktima ay dumating siya sa Pilipinas noong Hulyo 2016 at may usapan diumano sila ni Jacqueline Orduna na magpapakasal sa huling linggo ng Hulyo 2016 kaya  nagbigay ang banyaga ng P315,000 at kaniyang passport para maisaayos ang mga papeles ng kanilang kasal. Ngunit buwan na ang nakalipas ay sinabi ng suspek na “expired” na raw ang mga papeles ng kanilang kasal kaya kailangan daw irenew. At ito lamang Oktubre 13 ay kinuha ng suspek ang passport ng biktima at umalis kasama ang bagong boyfriend nito.
Samantala ay ang isa pang suspek na si Mishael Villanueva ay palaging nagbibigay ng mensahe na may pagbabanta sa biktima at nangingikil ng karagdagang P80,000 kapalit ng passport ng biktima.
Inihahanda na ang kaukulang dokumentasyon para maipila ang kaso sa Prosecutor’s Office.

Amianan Balita Ngayon