LUNGSOD NG BAGUIO – Kasabay ng paglabas ng resulta ng Criminologist Licensure Examination (CLE) noong Hunyo 2018 ay hinirang ng Professional Regulation Commission (PRC) ang University of the Cordilleras (UC) bilang top performing school sa buong bansa.
Ang UC ay may 98.02percent passing rate o 99 mula sa 101 na kumuha ng exam ang nakapasa.
Pumangalawa naman ang Universidad De Manila na may 108 pumasa mula sa 123 na nag-exam o 87.80 percent passing rate habang pangatlo ang Lipa City Colleges (LCC) sa 87.50 percent passing rate o 56 pumasa mula sa 64 na nag-exam.
Sa 2017 CLE, ang UC ay nagkamit ng 95.88 percent passing rate o 93 nakapasa mula sa 97 na kumuha ng exam; ikalawa ang LCC, 91.18percent o 62 mula sa 68 ang pumasa; at ikatlo ang University of Baguio (UB), 82.93percent o 68 mula sa 82 ang nakapasa.
Maging sa April 2016 CLE ay nangunguna pa rin ang UC na may 105 mula sa 107 examinees ang nakapasa o 98.13 percent passing rate. Pangalawa ang LCC sa 91.94 percent at UB ang ikatlo sa 82.43 percent.
Ayon kay Ariel Nimo B. Pumecha, dean ng College of Criminal Justice Education sa UC, first year pa lang ang mga studyante ay sinasanay na ang mga ito at nagbibigay orientation para maging handa ang mga ito sa board exam.
Kabilang sa estratehiya ng paaralan ay kapag first year, basic foundation ang tinututukan kaya mas maraming lectures at memorization; sa second year ay application ng critical thinking; at panghuli ay practical application.
Dagdag pa niya na pagkatapos ng board exam ay nagkakaroon ng performance evaluation upang makita ang parehong positibo at negatibo sa naging performance ng paaralan at upang mapanatili ang pagiging Top Performing School. JEZZA MAEH NAGAYOS, UC INTERN
July 6, 2018