Umawat sa away mag-asawa, patay sa Kalinga

PASIL, KALINGA – Patay ang lalaking umawat sa away ng mag-asawa bandang 10pm-11pm ng Oktubre 28, 2018 sa Barangay Balatoc, Pasil, Kalinga.
Sa inisyal na imbestigasyong isinagawa ng Pasil MPS, gabi ng nasabing araw, ang biktimang kinilalang si Sacki Basnic Igaw, 44, single, magsasaka; at suspek na si Allur Ganagan Buenafe, 24, may-asawa, magsasaka, at kapwa residente ng nasabing lugar, ay dumalo sa picnic party ng kanilang kapitbahay na si Ottogon Baguiwan.
Sa karagdagang imbestigasyon bandang 10:20pm ng Oktubre 30, napag-alaman na sinundan ng suspek ang kaniyang asawa na si Cherry Bangal Buenafe at kaniyang anak na naunang umuwi sa kanilang bahay. Nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng suspek at asawa nito kung kaya kinuha ng suspek ang kaniyang maliit na armas na nilagyan ng bala. Sinubukang awatin ng asawa ang suspek subalit nagpaputok ang suspek paitaas, at nagsisigaw ang asawa.
Rumesponde si Igaw kasama ang pinsan na Clever Amangan upang awatin ang suspek at nang subukang agawin ng biktima ang armas sa suspek, aksidenteng napaputok ng suspek at kaniyang armas at tinamaan sa ulo ang biktima at agad namatay.
Inaresto ng mga rumespondeng tauhan ng Pasil MPS at 1503rd RMFB15 ang suspek bandang 5pm ng Oktubre 29 sa isinagawang follow-up operation at kinumpiska mula sa suspek ang isang calibre 45 pistol na may serial number 1102747 at isang nakalagay na magazine na loaded ng dalawang live ammos at isang empty reserve magazine. Tatlong fired cartridge ang narekober sa pinangyarihan ng krimen.
Ang arestadong suspek ay dinala sa Pasil MPS para sa dokumentasyon at pagpila ng kaso laban sa kaniya.

Police Patrol

AMIANAN POLICE PATROL

Amianan Balita Ngayon