Umpisa na ng serbisyong RAMdam Mo Yan!

URDANETA CITY – Sa unang araw na panunungkulan ng bagong halal na alkalde at mga opisiyal ng lungsod nitong Lunes ay inumpisahan agad ang pagsasaayos at paglilinis ng mga bangketa at pampublikong pamilihang bayan dito.

Sinabi ni mayor-elect Julio F. Parayno III na hindi lahat ay matutuwa at sasang-ayon sa kanya sa kaniyang gagawing mga pagbabago sa Lungsod dahil mayroong mga maaapektuhan sa kanilang pangangalakal at paglalako lalo na ang sidewalk vendors na marami ang “ambulant vendors” na hindi sumusunod sa wastong patakaran.

Bagaman, ayon pa sa kanya ay pansamantala lamang ang kanilang pagtitiis dahil sa madaling panahon ay maaayos ang lahat at magkakaroon sila ng permanente at maginhawang lugar.

Sa Turn-over of Responsibilities and Transition of Office, nakangiti at masayang sinabi ni Perez na ang Lungsod ng Urdaneta ay “in good hands” sa pamumuno ni mayor elect Julio F. Parayno III, katuwang ang bise-alkalde na pinsan nito na si Jimmy Parayno at ng mga muling nahalal at mga bagong halal na konsehal na maglilingkod sa Lungsod.

Bago nito, sa mensahe ni dating mayor Amadeo G.E. Perez IV, sinabi niya na tapos na ang usaping politika at ang hatol ng taumbayan sa pamamagitan ng pagboto ay sagrado kung kaya dapat ay magkaisa na at magbuklod-buklod ang lahat bilang isang mamamayan at pamilya sa pagsuporta sa bagong halal na mga opisyal ng lungsod upang mas higit pang maisagawa at maisakatuparan ang mga programa at mga proyekto sa kapakinabangan ng lahat.

Sa siyam (9) na taong panunungkulan at paglilingkod, sinabi ni Perez na ginawa niya ang lahat na kaniyang makakaya upang higit pang maisaayos at mapaunlad ang kalagayan ng lungsod at ng mga mamamayan dito bagama’t hindi maipagkakaila na mayroon din namang hindi naging masaya sa kaniyang administrasyon dahil hindi niya napagbigyan ang kanilang mga kahilingan sa kadahilanang may mga prioridad ang lokal na pamahalaan na dapat unahin at bigyang pansin kaya’t siya ay humingi ng pang-unawa at paumanhin.

Matatandaan na sa naganap na 2019 midterm political polls ay naging magkatunggali sa pagkaalkalde sina Parayno na dating bise-alkalde at Maria Teresa Socorro Perez-Naguiat na dating city councilor at sa pagka bise-alkalde naman ay sina dating mayor Perez at Jimmy Parayno na dating number one city councilor.

Bagama’t hindi pinalad sa kanilang laban bilang alkalde at bise-alkalde ang magkapatid na Perez na anak ni dating mayor, 5th District Representative, Manila Economic and Cultural Office (MECO) chairman Amadeo R. Perez Jr., ay taos- puso at buong kapakumbabaan naman nilang tinanggap ang anila’y hatol ng taumbayan sa pagpili ng mga mamumuno at iginagalang nila ang naging resulta ng nakaraang halalan.

Labis naman ang pasasalamat ni Parayno una sa Maykapal, sa kanyang buong pamilya, mga kaibigan at mga kaalyado na nagtiwala, sumuporta at patuloy pang sumusuporta simula pa noong siya ay bise-alkalde ng lungsod.

Aniya pa, “kung ano ang kaniyang kalagayan ngayon, ito ay utang niya sa kaniyang amang namayapa na, na iniaalay din ang buhay sa paglilingkod bilang dating konsehal at bise-mayor na nirespeto at minahal ng taumbayan kung kaya’t makaaasa ang Urdanetanians na magpapatuloy ang may puso, prinsipyo, paninindigan, malinis at malinaw na panunungkulan – sa “Serbisyong RAMdam Mo Yan!”

Dianne P. Palomar/Prisco De Guzman/ABN

Amianan Balita Ngayon