“Umpugan ng peryahan ng bayan at STL sa Cagayan lumalala.”

Hindi malusog na kompetisyon ang jueteng operations sa tabing ng Peryahan ng Bayan (PnB) at Small Town Lottery (STL) sa Cagayan at ilang lugar sa Cagayan Valley Region.

Away negosyo na ang inabot. Kung bakit naman kasi pinapayagan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at ng mga opisyal mula Malacanang hanggang sa barangay level ang ganito, gayong maliwanag na kapwa silang kwestionable na ang operasyon.

Taong 2016 pa nang bawiin ng PCSO ang Deed of Authority ng Globaltech Mobile Online Corporation na nagbibigay permiso sa PnB.

Tanging ibinibitin na lang ng PCSO ang mandatong binigay ng Court of Appeals para sumailalim ang dalawa sa arbitration upang resolbahin ang isyu.

Kataka-takang magpipitong taon na ang arbitration process at hindi na matuldukan kung karapat-dapat nga bang magpatakbo ng loterya ang Globaltech. Sadya ba ang dipagresolba sa arbitration process bilang “de facto permit” para magpatuloy ang PnB?

Samantalang ang kaagaw naman sa ingresso o taya na STL ng Charity Games of Chance Corporation (CGCC) ay ipinapasara ngunit hindi
isinasara ng PNP Region 2 sa kabila ng abot bilyon ang utang nito sa gobyerno. Ganun na lang ba ang takot nila sa mga dating matataas na ranggong unipormado na nasa likod nito?

Sabagay, sa panig ng mga nagpapatupad dapat ng batas mula sa itaas hanggang sa ibaba, walang epekto sa kanila ang umpugang ng PnB at STL basta’t sagana sa pakinabang mula kay “BC” at mga “Generals”.

Maigi nga’t dalawa ang “bigasan” di ba? Kaya ba walang imik man lang ang marinig ng mga mamamayan mula sa kaliwa’tkanang pagkapiring ng mga naturang lingkod-bayan?

Amianan Balita Ngayon