Unang kaso ng Zika virus, nakumpirma sa Pangasinan

MANGALDAN, PANGASINAN – Isang bata na tatlong taong gulang mula sa bayang ito ang unang nahawaan ng Zika virus, ayon sa Provincial Health Office (PHO).
Sinabi ni Dr. Anna Teresa De Guzman, provincial health officer, ang bata ay dinala sa Region One Medical Center (R1MC) noong Setyembre 3 dahil sa sintomas na may kahawig sa flu o trangkaso.
“The child was tested with dengue but it resulted negative, and R1MC later on confirmed that it was Zika virus that got the child,” ani De Guzman.
Sinabi nito na hindi nila pinangalanan ang bata bilang pagsunod sa kanilang protokol.
Aniya, ang bata ay nagamot na sa mga sintomas nito at pinayagan nang makauwi.
Ngunit, pahayag ng doktor, ang Zika virus ay nananatili sa katawan ng bata dahil wala pang gamot dito.
Dagdag nito, ang Zika virus ay may parehong sintomas sa dengue ngunit mas banayad ito kumpara sa dengue. Hindi rin ito kasing nakamamatay na gaya ng dengue na humahantong sa dengue hemorrhagic fever na nagdudulot ng pagdurugo. Sa kabila nito, ang Zika virus ay maaaring ikamatay ng sanggol sa sinapupunan ng isang buntis at maaaring magdulot ng congenital defects sa fetus.
Ang Zika virus ay maaari ding makuha sa pamamagitan ng Aedes aegypti na lamok, parehong lamok na nagdadala ng mga virus ng dengue, chikungunya at Japanese encephalitis, paliwanag pa ni De Guzman.
“What alarms us is that the child with the virus might be bitten by an Aedes mosquito and this mosquito might transfer the Zika virus to a pregnant woman,” aniya.
Nagpaalala si De Guzman sa publiko na panatilihin ang kalinisan ng kapaligiran sa lahat ng pagkakataon, lalo na sa mga lugar na maaaring pangitlugan ng lamok.
“We are appealing to the people, for them to clean their surroundings, remove those stagnant waters in order to prevent breeding of mosquitoes that might carry different viruses not just Zika,” aniya.
Inaalam pa rin kung paano nakuha ng bata ang virus sa probinsya. H.AUSTRIA, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon