Universal Health Care Bill, matuloy sana

Nitong nakaraang linggo ay inaprubahan na ng Senado ang panukalang Universal Health Care (UHC) bill na layong bigyan ang lahat ng Pilipino ng access sa health care coverage at services. Ang Senate Bill 1896 o ang Universal Health Care for All Filipinos Bill ay nais gawing awtomatikong miyembro ang lahat ng Pilipino sa isang ‘National Health Insurance Program’ kung saan ang pagiging miyembro ay ‘contributory’ na ibig sabihin ay ang mga may-kakayahang magbayad ng health premiums, o ‘non-contributory’ o ang mga sponsored gaya ng mga senior citizens at mahihirap.
Maliban dito ay layon ding palawigin ang sakop ng Philippine Health Insurance System (PhilHealth) na kabilang ang free consultation fees, laboratory tests at iba pang diagnostic services – maaaring makakuha ng primary health services kahit walang PhilHealth card. Ang PhilHealth ang pangunahing programa ng gobyerno na humahaligi sa pagsasakatuparan ng universal health care at sa ilalim ng panukalang batas ay palalawigin ang pagiging administrador nito sa lahat ng pondong gagamitin para sa kalusugan ng lahat ng mamamayan lalo na sa hospital level at primary care benefit provision ng mga barangay health centers. Isang unified at consolidated administration ng mga pondo para sa mas mabuting accountability.
Palalawigin at itataas ang antas ng serbisyo ng primary health care, ibaba at ilalapit sa mga tao sa pagtatatag ng mas maraming barangay health stations dahil sa kasalukuyan ay 50 porsiyento lamang ng mga barangay ang mayroong health stations – bawat barangay health stations ay dapat serbisyuhan ang 5,000 tao. Karamihan kasi ng mga Pilipino ay pumupunta lamang sa ospital kapag seryoso na ang kanilang sakit, kaya kailangang komunsulta muna nang maaga sa primary health care stations. Nais din ng batas na paunlarin ang doctor-to-patient ratio at itaas ang bilang ng hospital beds at equipments. Hinihingi nito ang pagtatayo ng mga ospital sa mga liblib na lugar. Sa kasalukuyang tala ng DOH ang doctor-to-patient ratio ay 1:33,000 habang ang bed population ratio ay nasa 1kama sa 1,121 tao.
Upang maisagawa ito ay kailangan ng mga pagbabago sa mandato, mga responsibilidad at hurisdiksiyon ng mga ahensiya na may kaugnayan sa pagpapatupad ng UHC, kabilang ang DOH, PhilHealth at mga lokal na gobyerno. Kailangan ding matapos kahit 3 taon ng mandatory government service ng mga nagtapos sa health-related courses mula sa state universities at colleges gayundin sa government-funded scholarship programs.
Hindi na kailangang dumulog at mamalimos ang mga pasyente sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang makakuha ng halagang pambayad sa kanilang gastusin sa kalusugan at tanging sa PhilHealth na lamang makikipag-ugnayan.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na dapat ang lahat ng Pilipino ay may kakayanan na mapondohan ang kanilang mga pangangailangang pangkalusugan, subalit paano naman ito matutupad kung binawasan ng DOH ang proposed budget nito sa 2019?
Bagamat may mga isyu ng pagkakautang ang PhilHealth ay hindi raw ito makakaapekto sa pagpapatupad ng UHC ayon kay Senator JV Ejercito dahil ang pagkukunan ng pondo ay appropriate funds na galing sa PhilHealth, DOH, PAGCOR at ang itinutulak na pagpapataas sa excise tax sa tabako.
Napakagandang balita ang UHC sa bawat Pilipino lalo na sa mahihirap, subalit kailangan munang magkasundo ang Senado at Kongreso para masertipikahang ‘Urgent Bill’ at malagdaan ng Pangulo ito. Maayos ang pondo ng DOH at makakita ng tunay na may-kakayahan, tapat, mapagkakatiwalaan, hindi korap at walang ibang intensiyon kundi magsilbi lamang sa bayan ang Pangulong Duterte na mangunguna sa PhilHealth – dahil kapag naisabatas ito ay lubhang napakalaking pondo na ang pinag-uusapan dito. PMCJr.

Amianan Balita Ngayon