Tinatawagan ng pansin ng committee on health and sanitation, ecology and environmental protection ng konseho ng Baguio ang executive branch ng lokal na gobyerno upang tingnan ang tumataas na bilang ng water refilling stations na walang lisensiyang mag-operate.
Sa rekomendasyon nito sa pangunguna ni Committee Head Councilor Elaine Sembrano ay magpapasa ng resolusyon sa Mayor’s Office para sa karampatang aksiyon ukol sa water refillers na walang business permit.
Inatasan din ang City Health Services Office (CHSO) na magsagawa ng inspeksiyon sa lahat ng water refilling stations na nag-ooperate nang mayroon o walang business permit alinsunod sa Resolution 86-2017 at Ordinance 41-2007.
Nag-ugat ito sa pagkakadiskubre ng local water quality monitoring committee sa ilalim ng CHSO na sa 193 refilling stations sa lungsod ay mayroon lamang 119 na may permit. Ang 74 ay illegal ng nag-ooperate kaya hindi sigurado ang kanilang pagtugon sa health and sanitation standards.
Ang rekomendasyon ng committee ay upang masigurong ligtas ang mga residente sa lungsod na karamihan ay umiinom ng purified at mineralized water.
Sinabi ni Sembrano na ang rekomendasyon ay upang masiguro na ang mga nagbebenta ng tubig ay nakakasunod sa requirements for potable water safety. “I want to be sure that the water source and those we are buying are really clean and are really being processed,”ani ng councilor.
Sa pagsasaliksik ay may mga nagnenegosyong tao na nilalagyan lang ng selyo ang mga lalagyan ng tubig kahit na hindi naman totoong purified at ligtas itong inumin.
Sumulat din si Sembrano sa Baguio Association of Purified and Mineral Water Refillers Inc. (BAPMWK) upang humingi ng suporta sa patuloy na pagsusuri sa kanilang mga kasama at iulat ang mga ilegal na nag-ooperate.
“I asked the organization to help us identify those who do not have permits and are not complying with sanitation standards because they can monitor themselves,” aniya.
Sinabi ni Sembrano na hiniling din niya sa BAPMWK na sabihin sa pamahalaang lungsod ang kanilang hinaing lalo na kung ang kaligtasan ng tubig na kanilang ibinebenta sa publiko.
“We have to close those who do not have permits,” pagdiriin niya.
Nakasaad sa City Ordinance 41-2007 ang guidelines sa operasyon ng purified at mineral water refilling stations sa lungsod dahil nananatiling mahalaga at mahal ang tubig sa lungsod at limitado ang supaly kaya alternatibong pinagkukunan ito ng ligtas at potable na drinking water.
Bago ang operasyon ng water refilling station ay kailangang kumuha muna ng business permit na kailangan din ng sanitary permit, health certificate para sa mga personnel, personal hygiene certificate ng mga trabahador at deskripsiyon ng klase ng water containers.
Kapag may business permit na ay kailangang tuloy-tuloy ang monitoring sa establisimiyento at laging sumusunod sa Philippine National Drinking Water Standards. PNA / ABN
June 11, 2017
June 11, 2017
September 30, 2023
September 30, 2023
September 30, 2023
September 30, 2023
September 30, 2023
September 30, 2023