“URDANETA CITY, PANGASINAN, PINAMUMUGARAN NG MGA BROTHEL?”

Halos isang dosenang “bar girls” na inilalako ng P3,000 bawat isa bilang “parausan” ng isang brothel na nagkukubling restobar sa Zone 6, barangay Pinmalupod, Urdaneta City, Pangasinan, ang ni-rescue ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Ilocos Region, kagawad ng Department of Social Welfare and Development-Region 1 at anti-human trafficking NGO Exodus Road Philippines bago maghating-gabi nitong Martes.

Tatlong empleyado ng “Shadow Restobar” kasama ang rehistradong may-aring si Emelie Bansagan ang isinasakdal ng Qualified Trafficking in persons, kahit wala ang huli nang i-raid ang brothel. Mananatili ang tatlo at kapag nagkataon, pati si Bansagan, sa piitan habang nililitis ang kaso dahil non-bailable offense ang trafficking in persons. “Strike-two” na kung tutuusin ang Urdaneta City at ang lalawigan ng Pangasinan, kung sa kampanya laban sa human at sexual trafficking ang pag-uusapan.

Noon lamang Oktubre ng nakaraan taon, siyam na kababaihan ang ni-rescue sa pagsalakay ng NBI at DSWD sa “Gravity restobar” sa barangay Nangcayasan, Urdaneta City. Parehas ang “modus
operandi” ng Shadow at Gravity restobar. Pagkapasok ng parokyano, bubulungan ng empleyado na mayroong maaring “ilabas” na “Guest Relations Officer (GRO)” sa halagang P3,000.00. May kasamang prophylactics (condom) na ang deal. Kung sa Gravity restobar, sa loob mismo ng lugar ang “panandaliang kaligayahan”, sa isang motel sa harap mismo ng Shadow restobar dadalhin ang
nagbayad na customer.

Madaling balewalain ng mga otoridad mula sa lokal na pamahalaan ng Urdaneta City hanggang sa pamunuang probinsya ng Pangasinan ang pamumugad ng mga brothel sa lugar. Tiyak magtuturuan ang mga ito at ibabandera ang karaniwang palusot na hindi nila batid ang suliranin, dahil hindi ipinababatid ng lokal na pulisya ang iligal na operasyon ng mga ito. Ngunit may binabanggit sa batas sa pamumunong “deriliction of duty” o pagpapabaya sa tungkulin ng mga halal at itinalagang mga opisyal ng pamahalaan. Ang pagpapabaya ng mga kinauukulan sa mga isyu o suliranin sa kanilang pinamumunuan ay nangangahulugang sinususugan nila ang kamaliang ito. Klarong klaro!

Amianan Balita Ngayon